LOS ANGELES (AFP) – Magpapaalam na si Jennifer Lawrence sa The Hunger Games, ang popular na fantasy franchise na nagpasikat sa kanya sa pagganap sa bibihirang Hollywood action heroine.
Nagbabalik si Jennifer bilang ang bow-and-arrow badass na si Katniss Everdeen, para sa mas maigting na laban kontra sa kawalang hustisya sa kanilang dystopian world sa The Hunger Games: Mockingjay-Part 2, na ipalalabas sa mga sinehan sa mundo sa Nobyembre 18-20.
Ngunit itinatampok sa pelikula ang huling kabanata ng matagumpay na saga na nagpasikat kay Jennifer—sa edad na 25 ay isa nang Oscar winner at highest-paid actress sa mundo.
“I think it will be pretty bizarre when the movie is finally out and… everything is officially done,” sinabi ni Jennifer sa mga mamamahayag sa Los Angeles sa press preview nitong Sabado.
“This movie has been my life for so many years.”
Ang serye, na halaw sa nobela ni Suzanne Collins, ay kuwento ng pakikipaglaban ni Katniss upang magtagumpay sa isang reality TV-style life-and-death game sa isang post-apocalyptic future state.
Noong nakaraang taon, sa The Hunger Games: Mockingjay-Part 1, hindi lamang nakipaglaban si Katniss para sa kanyang buhay kundi naging simbolo pa siya ng rebolusyon.
Sa huli, tinangka niyang pangunahan ang isang rebelyon laban sa gobyernong totalitarian ng District 13.
“I didn’t really feel that I said goodbye to her,” sinabi ni Jennifer tungkol kay Katniss.