Sinabi ng kampo ng itiniwalag na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca II na tinatantya nila kung gaano kaseryoso ang banta sa kanyang buhay na kanyang pagbabasehan sa pagdalo sa pagdinig sa inihain nitong writ of habeas corpus at writ of amparo sa Court of Appeals ngayong Martes.
Sinabi ni Trixie Cruz-Angeles, abogado ni Menorca, na handa ang kanyang kliyente na makaharap ang liderato ng INC, kabilang si Executive Minister Eduardo Manalo, subalit tinitimbang pa nito ang banta sa sarili at sa pamilya nito bago dumalo sa pagdinig.
“Priority ‘yung court appearance niya but we will not ignore a serious threat. Ultimately, the danger to his life will be the determining factor,” ayon kay Angeles.
Ayon sa abogado, walang tigil ang buhos ng pagbabanta kay Menorca at pamilya nito, lalo na nang paboran ng Korte Suprema ang inihain nitong petisyon sa writ of habeas corpus at writ of amparo hinggil sa mga umano’y “nakakulong” na dating ministro sa INC compound.
Nahaharap ngayon sa kasong serious illegal detention ang ilang opisyal ng INC sa Department of Justice (DoJ) matapos ibulgar ni dating INC Minister Isaias Samson Jr. na siya at ang kanyang pamilya ay ikinulong sa INC Compound sa Quezon City sa utos umano ng liderato ng grupo.
Inaasahang haharap din sa Court of Appeals ang ilang lider ng INC matapos ipag-utos ng Supreme Court sa CA na dinggin ang mga petisyon na inihain ng grupo ni Menorca. (Leonard D. Postrado)