Kinagalitan ng Commission on Audit (CoA) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD), at Department of National Defense (DND) kaugnay ng pagtitipid ng halos P1-bilyong quick relief funds (QRF) na dapat ay inilaan sa rehabilitasyon ng mga lugar na nasalanta ng super typhoon ‘Yolanda’ noong 2013.

Ayon sa CoA, hindi man lamang nagalaw ng tatlong ahensiya ng gobyerno ang nabanggit na pondo, pati na rin ang donasyon mula sa iba’t ibang bansa.

Sinabi ng CoA na aabot sa P923 milyon na nakalaan bilang QRF ang matagal nang hindi nagagamit, gayundin ang iba pang donasyon para sa mga naapektuhan ng Yolanda.

Nadiskubre rin ng CoA na ang naturang pondo ay naka-deposito lang sa iisang bangko.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Idinahilan ng CoA, dapat ay inilipat na lang sa Bureau of Treasury ang hindi nagamit na pondo at donasyon upang hindi ito magamit sa ibang bagay.

Binanggit ng audit agency na ang pinakamalaking donasyong natanggap at hindi pa nagagamit ay ang P137-milyong tinanggap ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRC) matapos ang pananalasa ng Yolanda.

Sinabi rin ng COA na dapat na magkaroon ng alituntunin ang DSWD, DND at OCD sa paggamit ng donasyon alinsunod na rin sa tungkulin ng mga nasabing ahensiya. (ROMMEL TABBAD)