ANG Republika ng Panama, isang bansang karamihan ng mamamayan ay Katoliko, ay may mahabang kasaysayan ng pakikipaglaban para sa kalayaan. Ang matagumpay na pagsisikap na ito ay nagtapos sa kalayaan ng bansa mula sa Espanya noong Nobyembre 28, 1821.

Ang petsa ngayon, Nobyembre 3, ay isa sa pinakamahahalaga sa kasaysayan ng bansa. Sa araw na ito noong 1903, idineklara ng Panama ang kalayaan nito o pagsasarili mula sa Colombia. Ipinagdiriwang ng mga Panamanian ang araw na ito sa pamamagitan ng enggrandeng parada ng militar at iba’t ibang kaganapan sa buong bansa, partikular na sa kabisera, ang Panama City. Sinasamantala ng maraming tao ang holiday at nagtutungo sa beach para gugulin ang maghapon kasama ang kanilang mga mahal sa buhay at mga kaibigan.

Inilalarawan ng World Fact Book ang Panama bilang “a country of demographic and economic contrasts. It is in the midst of a demographic transition, characterized by steadily declining rates of fertility, mortality, and population growth, but disparities persist based on wealth, geography, and ethnicity.” Ang bansa ay may isa sa pinakamasisiglang ekonomiya sa Latin America at naglalaan ng malaking pondo para sa mga programang panlipunan.

Dahil sa estratehikong lokasyon ng Panama ay naging mahalagang international business center ito. Ang ekonomiya ay nakasalalay sa mauunlad na sektor ng serbisyo, na bumubuo sa ikatlong bahagi ng GDP ng bansa. Kabilang sa mga serbisyo ang pangangasiwa sa Panama Canal, logistics, pagbabangko, ang Colon Free Trade Zone, seguro, container ports, flagship registry, at turismo. Noong 2007, pinasigla pa nito ang ekonomiya nang simulan ng gobyerno nito ang isang proyekto na may layuning palaparin ang Panama Canal, na itinuturing na isang kahanga-hangang istruktura at isa sa pinakamahahalagang daanang tubig sa mundo. Layunin ng proyekto na dagdagan ang kapasidad ng Canal, na gagastusan ng $5.3 billion at inaasahang makukumpleto sa 2016.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Noong 2013, itinala ng Panama ang pinakamataas nitong Human Development Index (HDI), at naging ikalimang bansa sa Latin America at ika-59 sa mundo. Ayon sa United Nations Development Programs, ang HDI ay “summary measure of average achievement in key dimensions of human development – a long and healthy life, being knowledgeable, and have a decent standard of living. The HDI is the geometric mean of normalized indices for each of the three dimensions.”

Ang bansang ito sa Latin America, na maraming OFW ang nakatalaga bilang mga manlalayag sa mga barkong may watawat ng Panama, ay kabilang sa mga bansang nakatutupad sa Republic Act No. 10022 ng Pilipinas, na nag-amyenda sa Migrant Workers Act na nagpapahintulot sa pagpapadala ng mga OFW sa mga bansang rumerespeto at nagpapatupad ng mga probisyon ng nasabing batas.

Binabati natin si President Juan Carlos Valera, sa ika-112 Anibersaryo ng Kalayaan ng Panama mula sa Colombia.