Inihayag ng grupong Migrante na ilulunsad nila ang kampanyang “laglag boto” laban sa mga kandidato ng administrasyon dahil sa umano’y kawalan ng aksiyon ng gobyerno na resolbahin ang kontrobersiya sa “tanim bala” scheme, na ang karaniwang target umano ay mga overseas Filipino worker (OFW).
“Kaming mga OFW at maging ang aming pamilya ay dapat kumilos agad laban sa ‘tanim bala’ na bumibiktima ng aming kapwa OFW, kaya ilulunsad namin ang isang kampanya na magpapakilos sa pamahalaan at tuluyang matuldukan ang ganitong uri ng pangongotong sa mga paliparan,” pahayag ni Migrante Middel East Regional Coordinator Leonard Monterona.
Sinabi pa ni Monterona na responsibilidad hindi lamang ng airport authorities ngunit maging ng administrasyong Aquino na pangalagaan ang seguridad at kaligtasan ng mga pasahero.
“Lumilitaw na hindi nila magalaw ang mga extortion gang dahil patuloy pa rin silang nambibiktima ng mga pasahero.
Maging ang MIAA (Manila International Airport Authority) chief ay hindi ito kayang resolbahin,” dagdag ni Monterona.
Samantala, hiniling ni Rep. Sherwin Gatchalian (Nationalist People’s Coalition) sa liderato ng Kongreso na imbestigahan sa lalong madaling panahon ang mga insidente ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga OFW sa Pasko.
Inihain ni Gatchalian ang House Resolution No. 2419 na nananawagan sa kanyang mga kapwa mambabatas na siyasatin at alamin ang mga nasa likod ng pangongotong sa mga OFW sa pamamagitan ng “tanim bala” scheme.
Aniya, dapat ding suportahan ng publiko ang isang petisyon sa global reform website na Change.org na nananawagan sa Kongreso na imbestigahan ang “tanim bala” na bumiktima umano sa maraming OFW, na ang huli ay si Ginang Gloria Ortine, isang OFW sa Hong Kong.
Naniniwala ang mambabatas na halos 20 taon nang umiiral ang “tanim bala” sa NAIA kaya ito ang paboritong gatasan umano ng mga tiwaling airport personnel upang mangotong sa mga OFW. (MADEL SABATER-NAMIT)