Mas hinigpitan pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang isinasagawang clearing operation sa “Mabuhay Lane” sa Metro Manila kahapon.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, aabot sa pitong sasakyan na nakaparada sa Mabuhay Lane ang hinatak ng mga tauhan ng MMDA at HPG at dinala ang mga ito sa MMDA impounding area sa Pasig City.
Hindi rin pinalampas ng awtoridad na tanggalin ang mga road obstruction, tulad ng mga billboard, tindahan at signage.
Pinagmumulta ng MMDA ang mga na-impound na sasakyan ng P1,500 dahil sa paglabag sa illegal parking ordinance na ipinatutupad sa Mabuhay Lane simula 6:00 ng umaga hanggang 9:00 ng gabi.
Ang Mabuhay Lane ay mga alternatibong ruta sa Metro Manila na muling binuksan ng MMDA noong Setyembre bilang alternatibong ruta sa mga sasakyan na nais umiwas sa EDSA habang papalapit ang Pasko. (BELLA GAMOTEA)