Muling magtatangka ang mga national archer na sina Rachelle Dela Cruz at Kareel Hongitan na makapasa sa tila butas ng karayom na daan sa pagsabak sa Continental Qualifying event sa 2016 Rio De Janeiro Olympics na Asian Championships sa Bangkok, Thailand.

Umaasa sina Dela Cruz at Hongitan na ang kanilang isang linggong pagsasanay sa isang training camp ay lubhang makakatulong sa kanilang pagtatangka na makaagaw ng silya sa target nito na Olimpiada.

Sina Dela Cruz at Hongitan ay nauna nang nagtungo sa Bangkok, Thailand at mahigit isang linggo na dumadalo sa isang Olympic training camp bago pa isagawa ang natatanging Olympic qualifier na 2015 Asian Championships na magsisimula Nobyembre 1 hanggang 8.

Kumpiyansa si Dela Cruz na sa malaki ang naitulong ng training camp upang makapagkonsentra ito para sa pagsabak sa qualifying tournament.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang 19-anyos naman na si Hongitan ay ikinasiya ang mas magaan na pagsasanay kumpara sa kanyang palaging ginagawa na nakapagbibigay sa kanya ng kumpiyansa lalo pa na gagamitin mismo ang pinagsasanayan nilang lugar kung saan itinakda ang Asian qualifier.

Si Dela Cruz at Hongitan ay nagsasanay kasama ang 18 iba pa na archer mula naman sa Bhutan, Sri Lanka, Nepal, Iraq, Uzbekistan, Vietnam at Laos.

Hangad ni Dela Cruz na masungkit ang ikalawang pagtudla sa Olimpiada matapos makasali sa London Olympics habang si Hongitan na itinala ang mataas na 9th place sa World Cup noong Marso ay tangka ang kanyang unang pagkuwalipika sa Olimpiada.

Nagtungo na din noong Linggo ang kabuuan ng koponan upang samahan sina Dela Cruz at Hongitan na binubuo nina Youth Olympic Games gold medalist Gabby Moreno, Florante Matan at ang baguhang sina Mary Queen Ybanez at Anatacio Pellicer.

Opisyal naman na magsisimula ang torneo ngayong umaga kung saan tanging ang mga makakapag-uwi lamang ng mga medalya ang makakakuha ng mga nakatayang silya sa Olimpiada. (ANGIE OREDO)