Yul Servo
Yul Servo
KONGRESO na pala ang target ni Yul Servo, na nakatatlong termino na bilang konsehal sa ikatlong distrito ng Maynila.

Akalain mo, parang kailan lang una siyang ipinakilala bilang Konsehal Yul Servo sa presscon ng pelikulang kasama siya, nakasiyam na taon na pala siyang naninilbihan. At take note, number one councilor siya sa distrito nila at number two naman siya sa buong Maynila.

Nakita namin si Yul sa isang restaurant sa Morato at tsinika na namin.

Bigla tuloy kaming nagkainteres kung anong distrito siya sa Maynila kasi nga bossing DMB gusto naming ireklamo ang napakapangit na daan at napangiti ang pulitikong aktor.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

“Project po ‘yan ng National at Congress po, saka anong lugar po ba?” mabilis na tanong sa amin ni Yul at binanggit namin ang lugar na di naman pala niya sakop.

Sa siyam na taong paninilbihan, anong legacy ang maiiwan niya sa distrito niya sa Quiapo, at Sta. Cruz, Blumentrit at San Nicolas?

“Actually po, simula nu’ng nangampanya ako bilang konsehal, 2006 at nu’ng nanalo ako 2007, ganu’n pa rin po ang ginagawa ko, nangangampaya pa rin, inaalam mo po ang mga kailangan ng mga kadistrito ko.

“Ang legacy ko po, siguro ‘yung ako lang lagi ‘yung may project para sa distrito like medical mission, dental mission, iba-ibang serbisyong ibinababa sa 123 Barangays. Mayroon mga financial din po. Ngayon nagsusulong ako ng ordinansa sa siyudad ng Maynila tungkol sa nutrisyon,” kuwento ni Yul.

Natatawang kuwento niya, noong unang upo raw niya bilang konsehal ay medyo kinapos siya sa budget kasi nga nasanay daw siya sa showbiz na kapag may patay o namatayan ay mababa na ang limang libong abuloy.

“Nu’ng unang upo ko po, siyempre showbiz ang pinanggalingan ko, nagbigay ako ng lima hanggang sampung libo, eh, napakalaki na pala no’n.

“‘Tapos hindi ko alam paano ko pagkakasyahin ‘yung natirang budget ko. Natuto na po ako, ngayon, tatlong daan, dalawang daan po bigay ko at humihingi ako ng pasensiya.

“Ang nakakatuwa po, sabi ng mga tao, hindi naman daw mahalaga ‘yung ibinigay kong tatlong daan kundi ‘yung presence ko, kaya nakakatuwa po kasi ramdam ko ‘yung mga tao, kaya ibinabalik ko talaga sa kanila kung ano ang dapat,” kuwento pa ng aktor-pulitiko.

Naalala pa ni Yul noong unang kampanya niya. “Ako ang pinagkakaguluhan dahil artista nga ako. Pero hindi pala roon nasusukat iyon. Kasi, tapos ng botohan, panglima lang ako, eh. Kaya nasabi ko na hindi porke artista ay iboboto ka nila.

Kaya pinatunayan ko naman sa kanila, naglingkod ako ng tapat at buong puso.

“Kumbaga, iyong performance ang ipinakita ko. Kasi nalaman ko na performance rin talaga ang pinagbabasehan ng mga botante. So, talagang pinatunayan ko na hindi lang ako artista, kundi talagang sinipagan ko. May mga proyekto sa grassroots, sa barangay pati sa legislative, talagang nagtrabaho ako.

“Si Vice Mayor Isko (Moreno), talagang mentor ko siya. Siya yung lagi kong kinokonsulta kapag may mahahalagang desisyon na kailangang gawin.

“Siyempre hinalal ako ng mga tao para maglingkod sa distrito ko kaya may responsibilidad ako na gawin ang lahat ng makakayanan ko para matulungan sila. Kahit na kapalit nito ay pagtanggi sa ilang proyekto na iniaalok sa akin sa showbiz.”

Itutuloy niya ang mga maiiwanang projects kapag nanalo siya sa kongreso dahil pangako niya ito sa kababayan niya.

BS Crimonology graduate si Yul at plano niyang kumuha ng crash course sa UP (University of the Philippines) bilang paghahanda at sasamahan daw siya ng manager niyang si Direk Maryo J. de los Reyes.

Inamin ni Yul na kaya siya nagso-showbiz pa rin ay para may sarili siyang pera dahil kung aasahan daw niya ang suweldo niya bilang konsehal ay abonado siya, “hindi po maiiwasang hindi mag-abono,” mabilis niyang sabi.

Diretso ang tanong namin kay Yul kung anong klaseng public servant siya at kung may mga nag-aalok ba sa kanya para pumirma sa isang project na ang kapalit ay alam na.

“Ay, taas-noo ko pong sasabihin na wala po, hindi po ako tumatanggap kasi ayokong magkaroon ng pabor. Ang ginagawa ko po kapag may mga ganyan, sinabi ko na gagawin ko kung ano ang tama at naintindihan naman po nila,” kuwento ni Yul.

Hindi naman nasasabihan ng mayabang si Yul kasi nga tumatanggi siya sa mga alok at dito nagsisimula ‘yung maraming nagagalit kasi nga hindi siya nakikisama.

“So far wala naman pong nagagalit kasi ginagawa ko lang po kung ano ‘yung alam kong tama,” sabi ng aktor pulitiko.

At in fairness bossing DMB, wala nga kaming nakitang security o bodyguard ni Yul, pawang mga dalagita’t binatilyo.

“Ah, mga staff ko po sila, actually, wala po talaga akong bodyguard, kapag naglilibot po ako o umiikot ako sa distrito, isang babae at lalaki lang kasama ko, para maglista o kasama kong mag-inform.

“Siguro sa kampanya, baka doon ako magdalawa ng security, pero kung hindi rin lang naman kailangan, wala po talaga,”katwiran ni Yul.

Nakatutuwa, nakilala naming simpleng artista si Yul, e, ganito rin pala talaga siya maski sa pulitika.

Naalala tuloy namin si Rep. Leni Robredo, Bossing DMB na nag-aabang ng bus pauwi ng Bikol na walang security. Sadya palang may mga ganu’ng tao, ayaw ng maraming bantay.

At heto pa, nalaman din namin na ang kabilin-bilinan pala kay Yul ng BFF niyang si Piolo Pascual, “’wag kang mangungurakot, brother ha?”

Yes bossing DMB, naikuwento ni Yul na ito palang si Piolo ang may planong pumasok sa pulitika noong araw sa lugar nito sa Pasig City (yes doon siya unang bumili ng bahay para sa mama niya), pero biglang umurong kasi naging busy na raw sa showbiz.

“Kaya nu’ng ako na ang pumasok, nangako naman siya na tutulungan ako, actually, sa lahat ng projects ko kapag kapos ako, si Piolo ang nagbibigay, tumutulong. Sa tatlong termino ko sa konsehal, siya ang tumutulong sa akin in terms of budget.

At ngayong kakandidato nga siya bilang congressman ay alam niyang susuportahan siya ni Piolo.

“Sabi nga niya, pupuntahan niya raw ako sa kampanya, sabi ko, sabi ko naman, ‘wag na brother, tulungan mo na lang ako sa ano (budget),” pambubuking ni Yul sa usapan nila ni PJ.

At dahil BFF nga sila, as in best friend for life, ay si Piolo raw ang ninong sa tatlong anak ni Yul na talagang wala siyang masasabi.

At dahil nabanggit na rin lang ni Yul na may mga anak siya at apat na sa iisang babae ay natanong namin kung bakit hindi pa rin niya ito ipinakikilala at hindi pa siya nagpapakasal.

“’Yung kasal po, pinaghahandaan ko pa, pero siya (nanay ng mga anak) na po talaga, emotionally ready naman na ako, naghahanda palang,” sabi ni Yul.

At tungkol sa hindi niya ipinakikilala ang magi-ina, “choice po kasi nila iyon, nu’ng unang tumakbo ako bilang konsehal, iyon ang hiniling nila, ang pribado nilang buhay, ayaw nilang nakikita sila kaya nga po hiwalay kami ng tirahan.

“Saka okay na rin kasi hindi ko talaga sila maasikaso dahil paggising ko sa umaga aalis na tapos gabi na ako darating, so magiging unfair ako sa kanila. Pero pag weekends, pinapasyal ko po sila, magkakasama naman kaming lahat,”paliwanag ni Yul.

At akalain mo, 17 years old na ang panganay ni Yul at walong taon ang bunso at mga kamukha raw niya ang mga bagets.

Sa tanong kung may hilig sila sa pulitika o showbiz, “ay wala po pareho, ayaw nila, gusto nila private citizen sila, gusto nila negosyo,” mabilis na sagot ni Yul.

Bago naman kasi nag-showbiz din si Yul ay may negosyo silang pamilya kaya siguro iyon ang gusto ng mga anak.

Samantala, bukod pala kay Piolo ay kaibigang matalik din ni Yul ang isa pang best actor na si Baron Geisler na suportado rin siya.

Walang masasabing negatibo si Yul tungkol kay Baron lalo na kapag hindi nakainom, “ang galing nu’n (na artista), isa ‘yan sa idol ko. Maski ano,(role).”

At dahil nakasama na rin pala ni Yul si Coco Martin sa indie films ay tinanong namin kung sino ang mas magaling umarte sa kanila ni Baron.

Medyo nag-isip ng ilang segundo si Yul, “si Baron po, ang galing kasi, kakainin ka niya (sa pag-arte) kaya kailangan, ‘pag ka-eksena mo siya, galingan mo rin.”

E, sa kanilang dalawa ni Coco, sinong mas magaling?

Napangiti si Yul, “pareho po,” naniningkit ang mga matang sabi.

Oo naman, wala ka namang itulak kabigin kina Coco at Yul, nagkataong mas nag-concentrate sa pulitika ang huli at naging successful at sa showbiz naman si Ang Probinsiyano na mega-successful din.

Nakatrabaho na ni Yul ang ilan sa malalaking artista sa showbiz, kabilang na nga sina Ate Guy at Coco Martin, kaya isa sa mga wish niya ay makasama naman sa isang proyekto ang Star For All Seasons na si Vilma Santos.

Tinanong din ang aktor kung gusto rin ng mga anak niya na mag-artista, “Hindi nila gusto, e. Parang walang hilig. Mas gusto nilang mag-aral muna at magkaroon ng sariling negosyo, sa business ang utak nila.” - Reggee Bonoan