Pinaalalahanan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang mga delingkwenteng taxpayer sa lungsod na hanggang sa katapusan na lang ng taong ito sila maaaring makapag-avail sa ipinatutupad na tax amnesty program ng pamahalaang lungsod.

Sa isang media dialogue, sinabi ni Estrada na ipinatupad ang tax amnesty para sa mga delinquent taxpayer matapos na maaprubahan ang Ordinance 8423 na nagbibigay ng tax break sa isang taxpayer na hindi nakakabayad ng buwis sa gobyerno.

Alinsunod sa ordinansa, na iniakda ni Councilor Raymundo Yupangco at nilagdaan ng alkalde nitong Oktubre 5, kanselado muna ang koleksiyon sa lahat ng penalty at interes ng mga taxpayer mula Oktubre 10 hanggang Disyembre 31, 2015.

Sakop ng ordinansa ang lahat ng delingkwenteng real estate taxpayers, kabilang na ang lands, structures, at machineries sa lungsod.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sa ilalim ng ordinansa, pinapayagan ang delinquent taxpayers na i-avail ang tax amnesty program sa paglagda sa affidavit of good faith bago sila pahintulutang bayaran ang kanilang utang sa buwis mula Enero 2010 hanggang Disyembre 31, 2014, nang walang penalty o interes.

Maaaring magbayad ng anim na installment para sa real estate taxes na may computed value na P30,000 pataas, habang ang real estate taxes na mas mababa sa P30,000 ay dapat bayaran nang buo. (MARY ANN SANTIAGO)