TILA usung-uso ngayon ang “pagtatanim” ng bala sa bagahe ng mga pasahero, partikular na sa overseas Filipino workers (OFWs), na umuuwi sa bansa o kaya’y umaalis upang muling magtrabaho dahil mahirap maghanap ng trabaho sa ‘Pinas.
Meron na bang “Bullet Industry” sa ating mga paliparan na ang mga “tagapagtanim” daw ay mismong taga-Ninoy Aquino International Airport (NAIA)? Aba, baka kung buhay si Sen. Ninoy Aquino ay ipabubura niya ang kanyang pangalan dito dahil sa masamang imahe ng paliparan dulot ng katakut-takot na problema at kahihiyan dahil sa nabanggit na modus.
Dapat itong siyasatin hindi lang ng Department of Transportation and Communications (DoTC) at NAIA authorities kundi maging ng Kongreso. Lalong sumasama ang reputasyon ng ating bansa (It’s More Fun in the Philippines daw) sa ganitong kalokohan at kabalbalan ng ilang tiwaling tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) at ng immigration dahil sa pagtatanim umano ng bala upang kikilan ang mga balikbayan ng P500 o higit pa.
Calling DoTC Sec. Joseph Emilio Abaya. Sagutin mo nga kung talagang may “Industriya ng Bala” sa airport. Isipin ninyo, kung yung isang bote ng mineral water ay ipinagbabawal dalhin sa loob eh, yun pang bala na alam ng mga OFW o dayuhan na talagang bawal. At bakit laging isang pirasong bala ang natatagpuan ng taga-OTS at immigration sa mga bagahe? Ikaw ba ay magdadala ng isang pirasong bala? Saan mo gagamitin ang isang bala na wala namang kasamang baril?
Talagang kawawa ang ating mga kababayan na nagtatrabaho at nagpapaalipin sa ibang bansa upang mabigyan ng disenteng buhay ang mga pamilya sa Pilipinas. Pero, dito naman sa airport, naglipana ang mga ganid sa pera na walang kasing kapal ng mukha na nangingikil sa mga nagkakandakuba sa hirap na OFWs. Ang halimbawa nito ay si Gloria Ortinez na pabalik sa Hong Kong bilang isang kasambahay. Akalain ninyo, bigla siyang nakuhanan ng isang bala sa kanyang carry-on gayong noong bumiyahe siya sa Laoag Airport, wala namang nakita ang x-ray machine. Pinosasan pa raw ang kahabag-habag na kasambahay.
Gumanti si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino na dapat humingi ng patawad si Bongbong sa mga pang-aabuso ng kanyang ama noong Martial Law. Tugon ni Marcos Jr: “Dapat ding mag-apology si PNoy sa mga pamilya ng pinaslang na 44 PNP Special Action Force.” Akalain nga naman ninyo, ipinaubaya ni PNoy ang operasyon sa Mamasapano incident sa kaibigang si ex-PNP Director General Alan Purisima, gayong naroroon naman sina Deputy Director General Leonardo Espina at DILG Sec. Mar Roxas. Sina Espina at Roxas ay naiwang nakatunganga!
(BERT DE GUZMAN)