ISANG tauhan ng Philippine National Police (PNP), na suma-sideline rin bilang modelo, ang napiling kinatawan ng Pilipinas sa dalawang international male pageant.
Inihayag ni Carlo Morris Galang, president at CEO ng Prime Events Productions Philippines Foundation, Inc. na nakuha nila ang prangkisa upang pumili ng kinatawan ng Pilipinas sa Man of the Year at Manhunt International pageants sa ginanap na press presentation sa Quezon City kamakailan.
Si PO1 Don McGyver Cochico, 26-anyos na residente ng Sta. Cruz, Manila, ang napiling sasabak sa Manhunt International 2016 pageant.
“Isang malaking sorpresa para sa akin ito. Nangangako akong gagawin ko ang lahat ng aking makakaya sa kompetisyon,” pahayag ni Cochico, isang six-footer na may matipunong pangangatawan.
Si Cochico ay kasalukuyang nakatalaga sa PNP Crime Laboratory Service (CLS).
Una nang nasungkit ni Cochico ang first runner up title sa 2015 Misters contest kamakailan.
Si June Macasaet ng Pilipinas ang kasalukuyang may hawak ng titulong Manhunt International.
May taas na 6’2”, si Karan Jit Singhdole, isang Filipino-Indian model, ang itinalagang kinatawan ng Pilipinas sa 2016 Man of the Year contest.
“This is really great news for me. I am very happy and proud that finally, I will be competing abroad,” ani Singhdole.
Aktibo si Singhdole sa iba’t ibang male pageant, kabilang ang prestihiyosong Body Shots model search.
Si Singhdole ay nagtapos ng Hotel and Restaurant Management course sa STI College sa Sta. Rosa, Laguna.
Inihayag rin ni Richard Montoya, PEPP legal consultant, ang paghihiwalay ng titulo ng Mister Model International Philippines 2015 at Mister Tourism International Philippines 2015 mula sa listahan ng mga titulo ng Misters 2015 matapos ilipat ang mga nagwagi na sina Arcel Yambing at William Pagayon sa management team ni Precious Anne Medina.
(ROBERT REQUINTINA)