Nag-alok ang world boxing icon na si Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao sa mga biktima ng “tanim bala,” isang modus umano ng pangongotong ng mga tiwaling kawani ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), sa pamamagitan ng kanyang mga personal na abogado.

Kumbinsido si Pacquiao, vice chairman ng House Committee on Overseas Filipino Workers, na hindi lahat na nahuhuli sa NAIA dahil sa may nilalaman na bala ang bagahe ay sadyang tinangkang ipuslit ito.

Nagpahayag ng kahandaan ang eight division champ na kumuha ng abogado upang tulungan ang mga biktima ng “tanim bala” na, aniya’y, karaniwang target lang ng pangongotong.

Tiniyak din ng senatorial candidate ng United Nationalist Alliance (UNA) na de-kalidad ang mga abogadong kanyang itatalaga sa mga biktima ng “tanim bala” upang masigurong makakamit ng mga ito ang hustisya sa kasong illegal possession of ammunition.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kamakalawa ay kumilos na ang Malacañang sa kontrobersiyang dulot ng nabanggit na scam at ipinag-utos ang imbestigasyon sa isyu upang maprotektahan ang mga inosenteng OFW na karaniwang nabibiktima ng pangingikil sa mga paliparan sa bansa.

“Whether or not the laglag bala incidents are isolated cases is not an issue here. What is important is for government to quickly respond to this growing concern of our people, more particularly the OFWs,” giit ni Pacquiao. (Ben Rosario