ISANG bala ang napaulat na natagpuan sa Ninoy Aquino International Airport, sa bagahe ng isang overseas Filipino worker (OFW) mula sa Ilocos Norte na pabalik na sana sa Hong Kong. Inihayag ng Office of Transportation Security (OTS) sa paliparan na batay sa x-ray sa kanyang bagahe ay may bala sa kanyang bag. Idinetine siya ng Philippine National Police Aviation Security Group.

Sinabi ng 56-anyos na OFW, na mahigit 20 taon nang nagtatrabaho sa Hong Kong, na ang bala ay “planted” sa kanyang bag. Nagdesisyon siyang lumaban kaya kumuha siya ng abogado upang idepensa ang kanyang kaso. Kinasuhan siya sa Pasay City prosecutor’s office.

Mahirap unawain na ang isang OFW ay kakasuhan ng illegal possession of ammunition dahil lang may isang bala na sinasabing natagpuan sa kanyang bag. Ano ang posibleng motibo niya? May mga ulat din na may mga dayuhang pasahero rin na—dahil ayaw maabala sa kanilang biyahe—ay napipilitang magbayad na lang.

Nanawagan si Sen. Miriam Defensor Santiago at ilan pang senador na imbestigahan ng Senado ang usapin. Sa halip na sabihing ang nangyari sa OFW mula sa Ilocos Norte ay isang “isolated case”, dapat na kumilos ang Malacañang bago pa lumaki ang isyu at makaapekto ito sa kampanyang “It’s More Fun in the Philippines” ng gobyerno.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Iminungkahi ni Sen. Ralph Recto na magbukas ang Malacañang ng isang “presidential action and complaints desk” sa paliparan, posibleng isailalim sa tanggapan ng Presidential Action Center, upang doon makapagreklamo ang mga pasahero, hindi lamang tungkol sa mga kaso ng “tanim bala”, kundi maging sa isa pang insidente na nakaaabala o nakapambibiktima ng mga pasahero. Ang nasabing airport complaints office, aniya, ay maaaring pangasiwaan ng mga kinatawan ng Commission on Human Rights at Public Attorney’s Office.

Partikular na nangangamba ang senador sa kaso ng OFW mula sa Ilocos Norte na ikinulong at kinasuhan dahil sa bala na natagpuan umano sa bagahe nito. Ang mga OFW ng bansa ay nagre-remit ng P1.3 trilyon sa Pilipinas taun-taon, at ang panukala niyang special complaints desk ay magbibigay ng katiyakan sa mga ito, aniya, na pinoprotektahan ng Malacañang interes ng mga ito.

Ngayong papalapit ang Pasko, maraming Pilipino na sa ibang bansa na naninirahan ang planong umuwi upang muling makapiling ang kani-kanilang pamilya. Ilan sa kanila ang nagpahayag na ng pagkabahala sa mga insidente ng “tanim bala”. Isang dahilan ito para agad nang kumilos ang gobyerno at tuldukan na ang pambibiktimang ito.