Patay na nang marekober ng militar ang isang Korean na dinukot ng pinaghihinalaang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Capitol Complex, Barangay Bangkal sa Patikul, Sulu.

Ayon kay Commander Joint Task Group Sulu Brig. General Allan Arrojado, iniwan ng mga bandido ang bangkay ng biktimang si Nwi Seong Hong sa Sulu State College sa Capitol Complex, Bgy. Bangkal, Patikul.

Walang nakitang tama ng bala o saksak sa katawan ng biktima nang matagpuan ito.

Agad na dinala ng awtoridad ang bangkay ng biktima sa Camp General Teodulfo Bautista Station Hospital sa Barangay Busbus, Jolo, Sulu para isailalim sa post mortem examination at verification ng Philippine National Police(PNP) Scene of the Crime Operations (SOCO) upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi ni Arrojado na lumabas sa kanilang imbestigasyon na ang biktima ay binihag ng isang grupo mula sa ASG na nakabase sa Indanan, Sulu, at pinaghihinalaang inilipat lang ito sa naturang lugar matapos mamatay bunga ng karamdaman.

Kasamang dinukot si Hong ang kanyang anak na nakatakas sa kamay ng Abu Sayyaf.

Sinabi ng militar na dinukot ang mag-ama ng grupo ni ASG sub-leader Idang Susukan noong Enero 24, 2015 sa Barangay Poblacion, Roseller T. Lim sa Zamboaga Sibugay. - Fer Taboy