KAHAPON ay “Todos los Santos” o Araw ng mga Banal. Ngayong araw naman ay All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa.

Ngunit, dahil sa ng buhay, kahit ang mga buhay ay hindi na makuhang makapagpista dahil walang makain.

Tamang-tama sa nakaraang okasyon ang panukala ni Kabataan Partylist Rep. Terry Ridon tungkol sa serbisyo ng mga punerarya. Kailangan, aniya, repasuhin ang mga batas at regulasyon na sumasakop sa industriya ng punerarya para matigil na ang ilang mapagsamantala.

Hindi na nga magkandaugaga ang mga namamatayan ngayon sa mga ginagastos sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay ay napakamahal pa ng funeral services na halos hindi na kayanin ng mga ordinaryong Pilipino. Idagdag pa ang kawalanghiyaan ng ilang may-ari ng punerarya na sinasamantala ang pamimighati ng pamilyang namatayan dahil sa mahinang pagpapatupad sa mga regulasyon.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sa ating kultura, labis-labis ang ating pagdadalamhati sa tuwing tayo ay namamatayan. Nais natin itong bigyan ng maayos na burol at libing hanggat maaari. Ngunit ang pagdadalamhati ay sinasamantala ng ilang may-ari ng punerarya.

Isa sa hindi magandang ginagawa ng ilang may-ari ng punerarya ay ang pag-aabang sa mga ospital ng ilan nilang tauhan at kapag biglang namatay ay bigla din nilang tatangayin ang bangkay at dadalhin sa kanilang punerarya. Aayusan, iimbalsamuhin, dadamitan, pupulbusan at kuwarta na.

Kapag kukunin na ng kaanak ang bangkay, sisingilin nila ito ng pagkamahal-mahal bago i-release ang kawawang bangkay.

Para silang mga asong-siga o askal na nang makapulot ng bulok na karne sa isang tabi ay sinunggaban at nilapang.

Ito ang dahilan kung bakit may burol na inaabot na halos buwan bago ilibing para makalikom ng sapat na abuloy. O kaya mag papa-tong-it o pusoy at iba pang sugal para maka-ipon ng sapat para sa pagpapalibing sa sementeryo.

Sinabi pa ni Ridon na ang Department of Health (DoH) ang siyang dapat magpatupad ng patakaran kaugnay sa disposal ng patay ngunit tila hindi naipatutupad. Ang ilang ospital ay tila may kasabwat pang mga ahente ng punerarya. May patakaran din umano sa pagpoproseso at aplikasyon ng Locational Clearance para sa pagpapatayo ng punerarya na nakapaloob sa Housing and Land Use Regulatory Board.

Tama si Ridon, kinakailangan talagang rebisahin ang mga patakaran kaugnay sa tungkulin ng mga punerarya.

Ang dapat sa kanila ay HANAPBUHAY, hindi HANAP-PATAY! (ROD SALANDANAN)