Naniniwala ang isang lider ng oposisyon sa Kamara na may posibilidad na magbago ang isip ni Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte at sumabak sa 2016 presidential race sa 2016.

Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at 1-BAP party-list Rep. Silvestre Bello III, isang malapit na kaibigan ni Duterte simula noong nasa kolehiyo pa sila, kasalukuyang nagninilay-nilay ang alkalde ng Davao City at pinag-iisipan kung kakagatin o hindi ang hiling sa kanya ng iba’t ibang sektor na kumandidato siya sa pagkapangulo.

“Kilala ko siya (Duterte) nang matagal na panahon. Palagi niyang sinasabi na hindi siya pabor d’yan at magdedesisyon. Subalit kinalaunan, binawi rin ang sinabi niya. Ganoon ang style n’ya,” pahayag ni Bello.

Sinabi rin ng kongresista na nag-soul-searching si Duterte kahapon at ngayong Lunes hinggil sa plano nito sa 2016.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Ayon naman kay Christopher Go, isang matagal nang tauhan ni Duterte, sinabihan siya ng alkalde na maghintay lang muna sa kanyang desisyon habang siya at nagninilay-nilay.

Matatandaan na binawi ni Martin Diño ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo at umaasang papayag si Duterte na tumayong substitute candidate ng anti-crime crusader.

Sakaling pumayag si Duterte na tumakbo sa presidential race sa susunod na taon, sinabi ni Bello na malaki ang posibilidad na maaalog ang kandidatura ng tatlong pangunahing kandidato na sina Liberal Party standard bearer Mar Roxas, Sen. Grace Poe ng Team GP (Galing at Puso) at Vice President Jejomar C. Binay ng United Nationalist Alliance (UNA). - Charissa M. Luci