ANG Araw ng mga Kaluluwa ay ginugunita tuwing Nobyembre 2 ng bawat taon, isang araw matapos ang Todos Los Santos. Maraming Pilipino ang ipinagpapatuloy ang paggunita sa Todos Los Santos; dumadalo sila sa misa at ginugugol ang oras sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay upang manalangin, mag-alay ng mga bulaklak, magdasal ng rosaryo, magsindi ng kandila, at magbahagi ng mga kuwento sa mga kaanak at kaibigan.

Hinihimok ng Simbahang Katoliko ang mga mananampalataya na bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay sa mga sementeryo, memorial park at columbarium tuwing Nobyembre 2, dahil ito ang aktuwal na araw na itinakda para sa mga banal na kaluluwa, na pinaniniwalaang paakyat na sa langit. Ang tradisyong ito ay sinimulan ng Simbahan noong ika-11 siglo at ibinatay sa mga paniniwala na ang pananalangin dito sa lupa ay nakatutulong upang malinis sa mga kasalanan ang kaluluwa ng mga namayapa. Nagdadaos din ng mga misa at novena upang maibsan ang kung sakali man ay pagdurusa ng kaluluwa.

Inirerespeto ng mga Pilipino ang mga tradisyong may kinalaman sa mga banal na kaluluwa; ang isa sa mga ito ay ang pagdarasal sa loob ng simbahan nang anim na beses para sa bawat Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati sa Ama, upang tumanggap ng kapatawaran ang mga kasalanan ng kaluluwa. Maaari itong ulitin para sa isa pang kaluluwa sa pamamagitan ng pag-alis sa pinagdasalang simbahan at paglipat sa isa pa para muling usalin ang mga panalangin. Ang isa pang tradisyon ay ang pagsisindi ng maraming kandila para sa mga kapapanaw pa lang.

Nagluluto rin ang mga Pilipino ng mga espesyal na pagkain para sa Hallowmas o ang tatlong pagdiriwang—Bisperas ng Todos Los Santos, at Araw ng mga Kaluluwa—at karamihang gawa sa malagkit na kanin ang mga ito, gaya ng suman sa ibos, suman sa lihiya, palitaw, arroz valenciana, ginatan, at suman latik. Gaya sa mga pista, binubuksan nila ang kani-kanilang tahanan para ibahagi ang kanilang pagkain sa mga kamag-anak at mga kaibigan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Iba-iba naman ang mga tradisyon at kinagawian sa bawat bansa: sa Hungary, ito ay Halottak Napja, “ang araw ng mga pumanaw”, at nag-iimbita ng mga ulila sa mga pamilya para pakainin, bigyan ng mga damit at laruan. Sa Bolivia, naniniwala ang mga tao na kinakain ng mga yumao ang mga pagkaing itinatabi para sa kanila. Sa Brazil, dumadalo ang mga tao sa misa o bumibisita sa sementeryo bitbit ang mga bulaklak upang palamutian nito ang puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, ngunit walang pagkain. Sa Malta, nagsasagawa ng taunang pilgrimage ang mga tao sa mga libingan tuwing Nobyembre. Sa Louisiana naman, nililinis ng mga tao ang mga puntod at sinasabitan ng mga bulaklak, bukod pa sa mga palamuting krus. Ang mga tradisyong Chinese ay tulad ng sa mga Katoliko: nag-aalay ng mga bulaklak, prutas at pagkain sa mga kaluluwa, na pinaniniwalaang nagsasalu-salo rin, at nagsisindi ng mga insenso sa halip na mga kandila.