BATAY sa kalendaryo ng Simbahan, ang ika-2 ng Nobyembre ay All Souls’ Day o Araw ng mga Kaluluwa. Paggunita sa mga kaluluwa ng mga namayapa nating mahal sa buhay. Kung ang Nobyembre 1 ay tinatawag na Triumphant Church na pagdiriwang para sa lahat ng mga banal, ang Araw naman ng mga Kaluluwa ay tinatawag na Suffering Church na kung saan nag-aalay tayo ng panalangin sa mga naghihirap na kaluluwa sa Purgatoryo. Nangangailangan sila ng panalangin upang mapasama sila sa kaharian ng Diyos. Nasa Purgatoryo sila, nagdurusa at sinisingil sa kanilang mga kasalanan na hindi napagsisihan bago sila bawian ng buhay.
Ngayong Araw ng mga Kaluluwa, isa itong makabuluhang araw para sa mga pamilya at kamag-anak na hindi nakadalaw kahapon (All Saints’ Day) sa sementeryo. Pagkakataon nila ngayon na makapag-alay ng mga bulaklak, makapagtirik ng mga kandila at mag-alay ng dasal para sa mga yumaong mahal sa buhay. Ang paggunita sa mga yumao at pagdarasal para sa mga kaluluwa ay malinaw na pagpapakita ng pagmamahal upang makamit ng mga kaluluwa ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos.
Ang pagdarasal para sa mga kaluluwa ay sinimulan ni San Odiln, isang paring monghe noong ika-10 siglo sa Abby of Kluny sa France na sentro noon ng religious at cultural activities sa Europa. Ginawa sa iba’t ibang bansa hanggang sa ipagpatuloy at itinakda na ng Simbahan. At upang lalong mabigyan ng kahalagahan, ipinasiya ni Papa Benedicto XV na ang lahat ng pari sa buong mundo ay magmisa ng tatlong beses tuwing Nobyembre 2 na Araw ng mga Kaluluwa. Ang unang misa ay para sa mga kaluluwa. Ang ikalawa ay para sa mga pari at ang ikatlo ay para naman sa mga Santo Papa.
Ito ang ginawang batayan na tuwing All Saints’ Day at All Souls’ Day ay nagpapamisa sa simbahan ang mga naulila ng mga namayapa. Nagdarasal sa puntod ng mga mahal sa buhay kasabay ang pag-aalay ng mga bulaklak at pagtitirik ng mga kandila. Sa Old Testament o Lumang Tipan ay nababasa ang mga panalangin sa kapakanan ng mga yumao.
Ayon naman sa Aklat ng Makabeo: “Isang banal at kasiyasiyang isipin ang panalanagin para sa mga patay nang sa ganoon ay makalaya sila sa kanilang pagkakasala”. May nagsasabi naman na pagdarasal para sa mga kaluluwa ay nagsimula noong huling siglo bago dumating si Kristo. Ang mga rebeldeng Hudyo ay nagdarsal para sa natalong kasamahan at lumabag sa batas ng Diyos. Naniniwala sila na iisa at mapagpatawad na Diyos. (CLEMEN BAUTISTA)