HINDI na makababalik ang mga Marcos sa gobyerno, ayon kay Pangulong Noynoy. Hindi pa tuluyang sarado ang Martial Law, sabi naman ng Liberal Party presidential bet na si Mar Roxas. Ayan na nga at nasa gobyerno na kami, sagot naman ni Bongbong Marcos. Totoo nga naman, senador na si Bongbong, habang kongresista naman ang kanyang ina na si Imelda Marcos at gobernador ang kanyang kapatid na si Imee Marcos ng Ilocos Norte. Bakit hindi iboboto ng mga taga-Ilocos Norte ang mga Marcos? Eh, sa tinagal ni Pangulong Ferdinand Marcos sa posisyon, higit na nabiyayaan ang lugar na ito ng kanyang pamamahala. Bukod dito, sa uri ng ating pulitika na mayroon ang ating bansa na magastos sa halalan, nasa mga Marcos ang kayamanan para sustentuhan ang kanilang kandidatura.

Pero hindi sa mga ganitong dahilan kung bakit malaki ang pananalig kung makababalik ang mga Marcos sa gobyerno lalo na sa mga pinakasensitibong posisyon. Kung hindi nasundan si Pangulong Marcos sa pagpapatakbo ng gobyerno, ang kanyang rehimen ang pinakasama. Sa panahon lang niya kasi natin nakita ang pinakatiwaling pamahalaan. Ang paglabag sa karapatang pantao ay pinakamatindi. Samantalang ang iilan ay nakahilata sa rangya at yaman, napakaraming gutom at lugmok sa kahirapan. Kaya nga nag-alsa ang mamamayan at giniba ang kanyang diktadurang pamamahala.

Ang napakalaking problema ay tumakbo ang gobyerno sa kamay ng mga bagong opisyal ng bayan na istilong Marcos din.

Totoo, bumalik ang kalayaan ng mamamayan pero, wala itong katuturan. Ang kalayaan ng taumbayan sa pamamahayag ay armas na kanilang ginagamit laban sa abuso at katiwalian ng mga nasa gobyerno. Pero sa kabila ng paggamit nila ng kalayaang ito at sama-sama silang nasa kalye para ibunyag ang mga abuso at katiwaliang ito, hindi naman natigatig ang kanilang mga pinuno. Garapalan na kung nakawan nila ang kaban ng bayan. Inilagay pa nga sa budget ang pondo ng bayan na pinaghahatian nila sa magandang taguring PDAF at DAP. Sa kabila ng deklarasyon ng Korte Suprema na ito ay ilegal, nasa budget pa rin ito sa iba namang anyo.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang paglabag sa karapatang pantao ay patuloy. Ang malala na ngang krimeng naitago noon ng rehimeng Marcos sa pagkitil ng kalayaan sa mamahayag ay lalong naging matindi. Mas marami pang napaslang na mediamen pagkatapos ni Marcos. Kung sa kanyang panunungkulan noon ay kinakalbo na ang mga bundok, ngayon naman ay sinisira ang kagubatan sa pagmimina. Bakit hindi makababalik ang mga Marcos eh, masahol pa ang ginawa ng mga pumalit sa kanya? (RIC VALMONTE)