Nangako ang Malacañang na tatanggap ng allowance ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) na itatalaga para tiyakin ang seguridad sa APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) Leaders’ Summit sa bansa ngayong buwan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na makikipag-ugnayan siya kay PNP Chief, Director General Ricardo Marquez tungkol dito, matapos na maantala ang food allowance ng mga pulis na nangasiwa sa seguridad sa pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong Enero.

“You know, that is a valid point,” sinabi ni Lacierda sa panayam ng DZRB, nang tanungin kung makukuha ba agad ng mga pulis na mangangasiwa sa seguridad sa high-level conference ang kanilang allowance. “We will tell si Director General (Ricardo) Marquez na sana huwag… ‘Yung naging complaint po ng ating ilang kapulisan, we will make sure na kung ano ‘yung allowance at kung ano ‘yung per diem na dapat matanggap ng ating kapulisan dapat ay makuha po nila,” ani Lacierda.

Ang mga pulis at sundalo na itatalaga mula sa kani-kanilang regional office ay dapat na tumanggap ng P800 arawang allowance bawat isa.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Noong Enero, sinibak sa puwesto ang isang PNP budget official, si Supt. Evangeline Martos, dahil sa naantalang pamamahagi ng food allowance ng mga pulis na tumiyak sa seguridad sa limang-araw na pagbisita sa bansa ni Pope Francis. (Ellson A. Quismorio)