Apat na miyembro ng isang pamilya, kabilang ang isang dalawang-buwang sanggol, ang nasawi habang limang iba pa ang nasugatan sa sunog sa isang residential area sa Makati City, sa simula ng paggunita sa Undas kahapon ng madaling araw.
Sa mopping operation ng Makati City Fire Department, magkakahiwalay na natagpuan ang mga sunog na sunog na bangkay ni Annie Duran, 42, at mga anak niyang sina Britney, 14; at Nicole, 8; at apong si Daniel Gunoria, dalawang buwang gulang.
Agad namang nalapatan ng lunas ang limang nasugatan sa sunog.
Sa ulat ni Makati Fire Marshall Ricardo Perdigon, dakong 5:45 ng umaga nang magsimula ang sunog sa Araro Street sa Barangay Palanan, dahil sa umano’y electrical overload mula sa ilegal na linya ng kuryente.
Bagamat maagap na nakaresponde ang mga bombero, sadyang napakabilis ang pagkalat ng apoy sa mga bahay na pawang gawa sa light materials, kaya umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong 6:16 ng umaga.
Aabot sa 30 pamilya ang nawalan ng tirahan, at inaalam pa ang kabuuang halaga ng natupok.
Dinala ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng Southern Police District ang apat na bangkay sa Veronica Funeral Homes sa Pasay City para sa kumpirmasyon ng pagkakakilanlan ng mga ito. (BELLA GAMOTEA)