SA kalendaryo ng Simbahan, pulang araw ang Nobyembre 1 sapagkat sa araw na ito ipinagdiriwang ang “Todos los Santos” na mas tinatawag na All Saints’ Day o Araw ng mga Banal. Ito’y isang pandaigdigang pagdiriwang ng mga Katoliko na pinararangalan ang lahat ng mga taong naging martyr o namatay sa ngalan ni Kristo. Sa iniibig nating Pilipinas at iba pang bansang Kristiyano, ang unang araw ng Nobyembre ay iniuukol sa paggunita sa mga namayapang mahal sa buhay.
Hindi nalilimutang bisitahin ng mga naiwang kaanak at kamag-anak ang kanilang mga yumao. Itinuturing itong isang tradisyon na walang kupas na ginugunita para sa mga namayapa. Dinadalaw ang mga libingan, inaalayan ng mga bulaklak, tinitirikan ng mga kandila at mag-uukol ng maikling panalangin.
Sa ibang lalawigan, ang Todos los Santos ay tinatawag na “Undas” na hango sa mga salitang Kastila na “Honras de Funebre” na ang kahulugan ay parangalan ang libing. May naniniwala na ang Todos los Santos ay isang magandang pagkakataon para sa taimtim na pagninilay tungkol sa buhay at kamatayan. Ang Todos los Santos ay paggunita sa mga taong naging banal dahil sa mga kabutihan nilang ginawa sa kapwa at sa pagmamahal sa Diyos noong sila’y nabubuhay pa. Sa ating bansa, nag-uukol tayo ng isang araw upang dalawin at parangalan ang ating mga mahal sa buhay na namayapa na. Ang Todos los Santos ay isang tradisyon na sagisag ng matibay na ugnayan ng mga nabubuhay at mga namatay.
Ang paggunita sa mga yumao, ayon sa kasaysayan, ay nagsimula pa noong ikatlong siglo. Kaugalian noon ng mga Kristiyano na parangalan sa katakumba o libingan ang mga martyr ng pananampalataya. At upang magkaroon ng bantayog ng karangalan at katanyagan ang Roma sa mundo, nagtayo si Roman Emperor Phocas ng isang malaking “Pantheon” o templo noong Mayo 13, 609 A.D. Nang malansag ang pantheon, noong panahon ni Papa Bonifacio lV, ang pantheon ay ginawang templo-kristiyano para sa Mahal na Birhen at lahat ng mga martyr. Dito nagsimula ang pagdiriwang sa lahat ng mga santo na sa Kastila ay tinawag na Todos los Santos. Pagsapit naman ng Nobyembre 1, 835, Si Pope Gregory lll ay naghandog ng isang kapilya para sa karangalan ng lahat ng santo. At taong 837, ipinasiya ni Pope Gregory lll ang pandaigdigang paggunita sa Todos los Santos. (CLEMEN BAUTISTA)