IPINAGDIRIWANG ngayon ng mga Pilipino ang Araw ng mga Santo (All Saints’ Day) at bukas naman ay Araw ng mga Patay (All Souls’ Day) bilang pag-alaala sa mga yumao. Nakapagtataka lang sa kulturang Pilipino kung bakit mga nakakatakot na dekorasyon ang inilalagay sa mga bahay o mall katulad ng maskara, bungo ng tao, manananggal, sapot at iba pang kakila-kilabot na dekorasyon imbis na mga katanggap-tanggap na imahen?
Sa Araw ng mga Yumao, higit na dapat bigyang-diin ang pagmamahal at pag-alala sa kanila. Ang dapat ilagay ay mga pigurang positibo, gaya ng mga anghel, santo, o kaya’y larawan ng mahal sa buhay na yumao kaysa mga katatakutang larawan na lantarang ginaya sa Western countries. Katulad ng US na kinokomersiyo ang Halloween, All Saints’ Day at All Souls’ Day.
***
Tungkol pa rin sa Undas, alam ba ninyong si Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo ay magtatalaga ng 100 behikulo para sakyan ng taga-Tondo One papunta at pag-uwi mula sa sementeryo? Makikinabang at magiginhawahan dito ang halos 20,000 Tondo 1 constituents ni Mang Atong dahil simula 7:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon ay libreng makasasakay ang mga ito.
Kung lahat lang ng mambabatas ay katulad ni Cong. Asilo na mapagkalinga at mapag-ampon (gaya ng pangalang Asilo na ibig sabihin ay Bahay-Ampunan) sa mahihirap, hindi lang ang “Tondo ang May Langit Din” kundi bawat distrito sa buong bansa.
Ganito ang sinabi ni bahay-ampunan, este Asilo pala, tungkol sa Undas 2015: “Isa ito sa mga proyekto ko para sa kanila mula noong ako’y barangay chairman pa, konsehal, at ngayong nasa ika-3 at huling termino bilang kongresista.”
Tandaang si Cong. Asilo ay anak ng isang tindera sa Pritil Market kung kaya’t dama niya ang pulso at damdamin ng mga mahihirap. Siya ang katambal bilang vice mayor ni ex-Manila Mayor Alfredo Lim ng Liberal Party.
***
Sa wakas, ipinakita ng US ang MUSCLES nito nang maglayag at magpatrulya noong Martes sa kontrobersiyal na West Philippine Sea (South China Sea) ang isang guided-missile destroyer malapit sa mga isla at reef na inookupahan ng China. Ang US warship na USS Lassen ay nagdaan sa 12-nautical-territorial limits (Subi Reef) na inaangkin ng dragong China sa kabila ng protesta ng Pilipinas, Vietnam, Taiwan atbp. Hala nga China, harangin mo ang US!
(BERT DE GUZMAN)