MAY dalawang okasyon sa isang taon na daan-libong Pilipino, saan man sila nakatira ngayon sa bansa, ang nagbabalik sa kani-kanilang bayan upang makapiling ang mga kamag-anak. Ito ay tuwing Todos los Santos, Nobyembe 1, at Mahal na Araw kapag Marso.
Sa dalawang okasyong ito, ang mga bus terminal, mga paliparan, at mga pantalan sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa Metro Manila, ay hindi mahulugang karayom sa dami ng mga pamilyang nais makabiyahe pauwi sa kani-kanilang probinsiya. Ipinakakalat ang mga pulis upang magkaloob ng seguridad sa mga lugar ng transportasyon sa gilid ng mga kalsada. Ang mga motoring at iba pang grupong sibiko ay nagbubukas ng kani-kanyang assistance outpost upang tulungan ang dagsa ng motorista sa mga highway sa bansa.
Ang Undas at Kuwaresma ay parehong relihiyosong holiday, ngunit ang maramihang pagbibiyahe patungo sa mga probinsiya ay dahil sa tradisyon, gaya ng taunang migrasyon ng mga Chinese sa Asia tuwing Spring Festival. Bagamat tinitiyak ng mga Pilipino na makadadalo sila sa mga seremonya ng Simbahan sa mga panahong ito, ang muling pagsasama-sama ng mga pamilya, gayundin ng mga kapitbahay, ang nagtutulak sa kanila upang magbalik-probinsiya. Tuwing Undas, ang mga reunion ay isinasagawa sa mga sementeryo, sa harap ng mga puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Dahil sa napakalaking distansiya na kailangang ibiyahe, maagang umaalis ang mga taga-Metro Manila pauwi sa mga lalawigan. Ngayon, hitsura ng naulila ang mga lansangan sa Metro Manila—isang malaking kaibahan sa karaniwan nang eksena ng masikip na trapiko na ilang taon nang pinoproblema sa bansa. Dapat na magsimula nang magluwasan bukas ang mga bumiyahe, kaya naman marami ang umasa na ang Nobyembre 2 ay idedeklara ng Malacañang bilang isang special holiday, gaya sa nakalipas na mga taon.
Gayunman, pinili ng Malacañang na panindigan ang 10 regular holiday at anim na special non-working holiday na nakasaad sa Proclamation No. 831 ng Pangulo na ipinalabas noong Hulyo 17, 2014. Bukas, Nobyembre 2, ang Araw ng mga Patay sa kalendaryo ng Simbahang Katoliko—ang tamang araw para gunitain ang mga yumaong mahal sa buhay—ngunit, dahil hindi ito idineklarang special holiday, magbabalik-trabaho at eskuwela na ang lahat bukas.
Ang kinaugalian nang reunion ay ipinagpaliban ngayong taon—marahil upang bigyang-diin ang relihiyosong paggunita sa Todos los Santos, na alinsunod sa Catholic theology, ay nakalaan para sa mga nagtamo ng posibilidad na makaakyat sa langit at ipinagdiriwang din ng maraming iba pang simbahang Kristiyano bilang araw upang gunitain ang lahat ng Kristiyanong pumanaw.
May mas malaking oportunidad upang manatili nang matagal sa mga lalawigan, kapiling ang mga kamag-anak para sa kinagisnang reunion, sa Mahal na Araw sa Marso, 2016.