Ang paglalaro niya sa Gilas Pilipinas sa nakaraang FIBA Asia Championships ang nakapagbigay ng karagdagang kumpiyansa kay Globalport guard Terrence Romeo.

Gayunman, dahil sa tindi ng pinagdaanang training at sa bigat ng sinuong na laban, hindi pa gaanong nagbabalik ang laro ng dating Far Eastern University shooting guard.

Ngunit kahit naroon pa rin ang senyales ng matinding pagod na inabot sa Gilas, naging malaking bahagi pa rin si Romeo sa naitalang unang panalo ng Batang Pier noong nakaraang Biyernes ngt gabi kontra Star kung saan umiskor ito ng 20 puntos para suportahan ang topscorer na si Staney Pringle (23).

Ayon kay Globalport coach Pido Jarencio, unti-unti ang ginagawa niyang pacing para kay Romeo upang ganap na makabalik sa kanilang sistema.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Yung confidence na nakuha niya nang maglaro sa Gilas siyempre nandiyan ang problema lang medyo nabugbog yung bata, pagbalik sa ‘min medyo pagod pa sya. Pinapacing ko ‘yung bata para makuha nya yung timing,” ani Jarencio.

Bukod kay Romeo, umaasa si Jarencio na malaki pa ang magiging improvement ng kanyang koponan sa katagalan matapos ang kanilang pagbalikwas sa natamong kabiguan sa kamay ng defending champion San Miguel Beer sa larong idinaos sa Davao.

“Marami pang maiimprove, Chemistry kulang pa. Yung Davao game medyo sluggish kami dun. Nakapag-adjust naman yung team napush natin yung panic button na di na pwedeng 0-2 kasing one round lang ang eliminations,” dagdag pa ni Jarencio na isiniwalat ang misyon nilang umabot ng playoff round. (MARIVIC AWITAN)