Bibigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng pagkakataong magpaliwanag ang mga kandidatong naghain ng certificate of candidacy (CoC) para sa 2016 elections ngunit nanganganib na maideklarang nuisance candidate o panggulong kandidato.
Ayon sa Clerk of the Comelec, magdaraos sila ng preliminary conference sa Martes, Nobyembre 3, hanggang sa Nobyembre 10 para sa mga kandidatong pinadalhan ng Comelec Law Department ng motu proprio petition para maideklarang nuisance candidate.
Sa naturang conference, bibigyan ng Comelec ng pagkakataon ang mga naturang kandidato para patunayang hindi sila karapat-dapat na ideklarang nuisance candidate.
Ang First at Second Division ng Comelec ang mangangasiwa sa conference.
Nagtakda ang Comelec ng petsa sa bawat kandidato para sa pagharap ng mga ito sa conference.
Una nang naghain ang Comelec ng motu proprio petitions para maideklarang nuisance candidates ang 125 kandidato sa pagkapangulo, 13 sa pagka-bise presidente, at 128 sa pagkasenador.
Inaasahang sa Disyembre 10 ilalabas ng Comelec ang opisyal na listahan ng mga kandidato para sa halalan sa Mayo 9, 2016. (Mary Ann Santiago)