Isang operator ng photo copying machine ang inaresto kahapon ng umaga ng mga security guard ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Quezon City at dinala sa Quezon City Police District (QCPD)-Quezon City Hall Police Detachment matapos siyang maaktuhan umano sa pagbebenta ng mga kopya ng Comelec registration form sa mga nakapila sa huling araw ng voters’ registration.

Kinilala ni Chief Insp. Rolando Lorenzo, hepe ng Quezon City Hall Detachment, ang dinakip na si Glenda Vinas, xerox machine operator sa Library Section ng Quezon City Hall, at residente ng Masigla Street, Freedom Park 1, Batasan Hills, Quezon City.

Sinabi ni Lorenzo na batay sa paunang imbestigasyon, dinala si Vinas sa police detachment dakong 9:00 ng umaga nitong Sabado.

Gayunman, sinabi ni Lorenzo na pinalaya rin si Vinas mula sa police detachment matapos na tumanggi ang mga opisyal ng Comelec-Quezon City na magharap ng reklamo laban dito.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Nagkaroon ng commotion at may anggulo nga na nagbebenta ng registration form ‘yung babae. ‘Yung mga Comelec officers ni-reprimand siya at hindi na nag-pursue ng complaint. P15-P30 daw ang benta niya sa form,” sabi ni Lorenzo.

“Pinuntahan siya ng Comelec officers, pinagsabihan at pinaalis na lang siya,” dagdag niya.

Ayon sa Comelec-Quezon City, ang registration form ay hindi ipinagbibili at maaaring ma-download sa website ng poll body. (Francis T. Wakefield)