Sisimulan na rin ang pampamilya at pangkomunidad na Philippine Sports Commission (PSC) Laro’t-Saya sa Parke, PLAY ‘N LEARN program sa mga lugar ng General Santos City, Saranggani Province at Dasmariñas, Cavite bago matapos ang buwan ng Disyembre 2015.

Ito ang napag-alaman kay PSC Research and Development Chief Dr. Lauro Domingo Jr., ang Laro’t-Saya project manager, matapos makipagkasundo ang ahensiya ng gobyerno sa pamumuno ni Chairman Richie Garcia sa mga namumuno sa tatlong probinsiya.

“We will soon be launching GenSan, Sarangani and Dasmarinas in Cavite which will be attended by PSC Chairman Garcia,” sabi ni Domingo, habang idinagdag na marami pang local government units ang nakatakdang magsimula isagawa ang programa sa pangunguna ng Valenzuela at Marikina.

“Marami pang LGU’s natin ang nagsubmit ng kanilang expression of interest para maisagawa din ang ating programa so inililinya lang natin sila para maituro ang implementation at saka natin mai-formalized ang agreement between the LGU’s and PSC,” sabi ni Domingo Jr.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ang General Santos Laro’t-Saya program ay isasagawa sa ilalim ng pamumuno ni Vice-Governor Jinkee Pacquiao habang ang Saranggani Laro’t-Saya program ay inisyatiba naman ni 8th-time world boxing champion at Congressman Manny Pacquiao.

Samantala, umabot sa kabuuang 211 ang nagpartisipa sa isinagawa na Laro’t-Saya sa Aguinaldo Freedom Park sa Kawit, Cavite kung saan may nakiisa sa Zumba (135), badminton (24), taekwondo (12) at volleyball (40).

Una nang isinagawa ang Laro’t-Saya sa Luneta bago naging popular at umabot sa Quezon City Memorial Circle, San Juan City, Paranaque City, Cebu City, Iloilo City, Bacolod City, Davao City, Tagum City, San Carlos-Negros Occidental, Imus Cavite, Kawit Cavite at sa Kalibo Aklan. (ANGIE OREDO)