Tinanghal na pangkalahatang kampeon ang Davao City matapos humakot ng gintong medalya sa natitirang laro sa pinakahuling araw ng kompetisyon ng 2015 Philippine National Youth Games (PNYG)-Batang Pinoy Mindanao Qualifying Leg sa iba’t ibang lugar ng host na Koronadal City.

Kinolekta ng Davao City ang kabuuang 37 ginto, 33 pilak at 32 tanso para sa kabuuan nitong 102 medalya upang agawin ang pangkalahatang korona kontra sa host na Koronadal City at ang nahubaran ng titulo na Zamboanga City na nagkasya lamang sa ikalawa at ikatlong puwesto.

Nagkasya lamang ang Koronadal City sa 33-30-36 (ginto-pilak-tanso) at kabuuang 99 medalya upang mabitawan ang korona matapos manguna sa halos apat na araw ng kompetisyon bago nabitawan sa Davao City. Mayroon naman ang Zamboanga City ng kabuuang 25-12-23=60 para sa ikatlong silya.

Ikaapat ang General Santos City na may 23-34-24=81 habang ikalima ang Tagum City (22-16-16=54). Ikaanim ang Iligan City (22-7-27= 56) at ikapito ang Davao Del Norte (15-16-19=50). Ikawalo ang South Cotabato (14-9-21=44) kasunod ang Cagayan De Oro City (14-9-7=30) at Panabo City (9-12-14=35).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Samantala, umagaw-pansin naman ang isang drum and bugle majorette mula sa General Santos na sumali sa boxing competition kung saan tinanghal na overall champion ang Cagayan De Oro sa pagwawagi ng kabuuang apat na ginto, isang pilak at tatlong tanso.

Marami ang humanga sa katapangan ng 14-anyos na si Shrillyn Gil Napoles, na kabilang sa isang drum and lyre band sa General Santos Elementary School, matapos itong lumaban sa School Girls Light Bantamweight (54kg) category at iuwi ang gintong medalya sa pagbigo kay Shane Berdejo ng Alabel, South Cotabato.

“Ito po kasi ang nakahiligan kong sports saka para din po sa self-defense ko,” sabi ng maganda at maputi na si Napoles, na agad naging tampok sa torneo.

Nagwagi naman para sa Cagayan De Oro na pinamumunuan ni dating national team member Elmer Pamisa sina Jericho Acaylaty na nagwagi ng ginto sa Kids Antweight (32kg), John Vincent Pangga sa Kids Light Mosquito (38kg), James Ian Pangga sa School Boys Mosquito weight (38-40kg) at si Jefferson Calinawan sa Paperweight (44kg). (ANGIE OREDO)