Naniniwala si Senator Antonio Trillanes IV na balewala pa rin sa China ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration in The Hague na nagdeklara nang may hurisdiksyon ito sa reklamo ng Pilipinas sa usapin ng agawan sa mga isla sa West Philippine Sea (South China Sea).
“It validates our complaint and therefore strengthens our call for global intervention . However, China for fear of losing face would likely continue their activities and insist on their claims even if it eventually losses the case” ayon kay Trillanes.
Pinayuhan naman ni Senator Francis Escudero ang gobyerno na maghanda sa isang mahaba at mahirap na proseso ng arbitration sa pagitan ng Pilipinas at China, matapos ang desisyon.
Aniya, ang desisyon ay unang hakbang pa lang at wala pang napapanalunan at ang desisyon ng mga hurado ay may paglalabanan, habang ang susunod na hakbang ay patunayan ang kaso ng bawat panig.
Sa inilabas nitong desisyon, inihayag ng korte sa The Netherlands na parehong lumagda ang Pilipinas at China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), pagpapatunay na kapwa saklaw ang mga ito ng probisyon hinggil sa pagsasaayos ng hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.
“Maituturing itong tagumpay para sa lahat ng Pilipino. Sa ganitong pagkakataon, puwede at dapat isantabi ang pulitika dahil tagumpay ito ng buong bayan. Walang pula, asul, dilaw o puti,” giit ni Escudero na kandidato sa pagka-bise presidente.
Panatag ang senador na sa huli ay papaboran ng international court ang katwiran ng Pilipinas. Ngunit, aniya, matagal na panahon at malaking pera ang gugugulin para rito. (Leonel Abasola)