ANG Nobyembre 1 ay Todos Los Santos, isang mahalagang tradisyon para sa ating mga Pilipino, partikular na para sa mga Katoliko, na nagbibigay ng respeto sa alaala ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay sa pamamagitan ng pagbisita sa mga sementeryo, musoleo at columbarium upang manalangin, magdaos ng vigil, at mag-alay ng mga bulaklak at kandila—at maging pagkain, at muling makasama ang mga kamag-anak.
Itinuturing ng mga Pilipino ang Todos Los Santos bilang isang mahalagang holiday, gaya ng Pasko at Mahal na Araw.
Nagsisiuwian sila sa mga lalawigan, na roon nakalibing ang kanilang mga mahal sa buhay, upang muling makapiling ang mga kaanak at kaibigan, magbahagi ng mga kuwento at sama-samang manalangin para sa mga yumao—isang malinaw na patunay ng matibay na pundasyon ng pamilya at pagpapahalaga sa mga kaanak.
Nililinis ang mga puntod, kinukumpuni at muling pinipintahan bago pa sumapit ang Undas. Sa mismong araw, iniilawan ang mga ito at pinalalamutian ng mga bulaklak, kandila at lobo, isang paraan upang maipabatid sa mga kaluluwa na bagamat hindi na sila kapiling, nananatili sa puso ng mga naulila ang kanilang mga alaala.
Sa bisperas ng Undas sa mga lalawigan, nagsasama-sama ang grupo ng matatanda, at minsan ay mga bata, at nagbubuo ng mga grupo ng mang-aawit upang magbahay-bahay at haranahin ang mga pamilya, na tinatawag na “pangangaluluwa” o “kalag-kalag” sa Bisaya, isang gawain na pinaniniwalaang nagkakaloob ng kapayapaan sa kaluluwa ng mga namayapa.
Tinitiyak naman ng mga ahensiya ng gobyerno, gayundin ng mga pribadong kumpanya at indibiduwal, na ang mga tradisyunal na okasyong ito ay magiging payapa at maayos. Ang Oplan Undas at ang Lakbay Alalay assistance programs para sa mga motorista ay pinakikilos upang masiguro na nasa magandang kondisyon ang mga kalsada at highway.
Iniinspeksiyon ang mga bus at nagtatalaga ng mga medical personnel sa mga estratehikong lugar.
Naglunsad naman ang Simbahang Katoliko ng isang espesyal na website na roon maaaring mag-alay ng mga panalangin, magdasal ng rosaryo at magsindi ng kandila ang mga Pilipino sa ibang bansa na hindi makauuwi sa bansa para dalawin ang puntod ng mga mahal sa buhay.
Ang paggunita ng Todos Los Santos sa bansa ay maitutulad sa tradisyon sa Mexico na “Dia de los Muertos” o “Day of the Dead,” na ang pinagtutuunan ay ang mga pamilyang nagsasama-sama sa mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay. Tinatawag din itong All Hallows Tide, All-Hallomas, o All Hallows’ Day. Sa mga simbahang Kanluranin, idinadaos ito tuwing Nobyembre 1, habang sa mga Silangang simbahan ay isinasagawa ito tuwing unang Linggo matapos ang Pentecost.
Maaaring ang Todos Los Santos ay nagmula sa sinaunang Roma, na ipinagdiwang noong Mayo 13, 609, ang Feast of the Lemures, na ang mga kaluluwang hindi matahimik ay pinapayapa. Ginugunita ito sa magkakaibang petsa hanggang itinakda ni Pope Gregory III (731-741) ang Nobyembre 1 bilang opisyal na petsa ng Todos Los Santos. Kalaunan, idineklara ng simbahan ang Todos Los Santos bilang isang kapistahan para sa lahat ng Kristiyanong santo, kilala man o hindi.