Alden at Maine copy

NGAYON lamang kami nakabasa sa Twitter na natuwa sa masikip na traffic sa EDSA noong Friday, October 30, na suweldo day at marami nang umuuwi sa probinsiya para sa Undas ngayong November 1.

Ang AlDub Nation nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ay nag-tweet ng “traffic pa more” dahil ginulat sila ng napakataas na billboard na magkasama sina Alden at Maine na sumisipsip ng isang brand ng softdrinks. At may caption na “Ngayong Pasko ano’ng wish mong moment?” at “Wish mo kaya ako?”

Yes, isa pa lamang ito sa ilan pang bagong endorsements nina Alden at Maine na lalabas before Christmas.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Bago iyon, sa first day shooting nila together noong Friday din ng My Bebe Love may eksena rin si Direk Joey Reyes kina Alden at Maine na may softdrinks sa harap nila.

Samantala, pinaninindigan ni Alden na hinding-hindi siya susuporta kahit kaninong kandidato sa papalapit na 2016 elections, nang makausap siya sa launch niya as the celebrity endorser ng Snowcaps L-Glutathione capsule. Kahit pa P100 million ang offer?

“Hindi po talaga,” sagot ni Alden. “Ang totoo po, two months pa lamang ang love team namin ni Maine, may nag-offer na sa amin na mag-endorse ng isang pulitko, pero hindi po namin tinanggap. Ako, personally, ayaw ko po, sabi ko mag-stick na lamang ako sa showbiz dahil alam ko pong ibang-iba ang pulitika sa showbiz.

Ang maganda po naman sa GMA Artist Center, tinatanong muna nila ako kung gusto kong gawin ang offer, hindi po nila ako pinipilit, walang pressure.”

Eh, sa kanila ni Maine, may pressure ba na dapat maging sila na sa pagpapatuloy ng kalyeserye sa Eat Bulaga?

“Nagsisimula pa po lamang kaming mag-work together ni Meng, one week pa lamang iyong personal na pagsasama namin. Tulad po ng sabi ko noon, gusto ko muna siyang makilalang mabuti, at nakikita ko siyang tunay na tao, hindi siya showbiz kaya I always look forward working with her.

Makulit din siya, parang ako, pero mahiyain pa siya sa akin, pero dahan-dahan ko nang nabi-break ang shyness niya sa akin. Like noong 15th weeksary namin, biniro siya ng mga kasama namin dahil hindi siya makatingin ng diretso sa akin. Kaya I want to make her comfortable, ako ang unang nagtatanong sa kanya. Gusto ko munang i-enjoy namin ang moment working together.

“Sa kalyeserye po, parang may mystery, tuluy-tuloy lang ang ginagawa namin, lahat totoo, lahat natural, walang pilitan. At iyon ang maganda sa amin ni Maine, tulungan kami, bigayan, kung napapansin ninyo, sa mata pa lamang namin, nagkakaintindihan na kami kung ano ang gagawin.”

Noong 15th weeksary nila, tinanong ni Joey de Leon sina Alden at Maine, paano kung may magbago sa kanila? Ang sagot ni Alden, maaaring may mga magbago, pero sila ni Maine, walang magbabago. Humirit naman si Maine na kung may magbabago sa kanya siguro apelyido lamang.

Pinapili siya ni Sen. Tito Sotto, ‘Richards’ o ‘Faulkerson?’ Siyempre daw doon sa totoo. Ang Richard(s) kasi ay tunay na pangalan ni Alden at ang Faulkerson ang totoong apelyido nito.

Dasal lamang ni Alden huwag silang pababayaan ni Lord dahil ang lahat ng blessings na dumarating sa kanila ni Maine, ay labis-labis na ipinagpapasalamat nila sa Kanya. Nagpasalamat din siya sa lahat ng sumusuporta sa kanila tulad ng AlDub Nation. (REGGEE BONOAN)