Nawalan ng tirahan ang 45 pamilya at tinatayang aabot sa P1.5-milyon halaga ng ari-arian ang natupok sa sunog sa isang residential area sa Pasay City, nitong Biyernes ng gabi.

Sa inisyal na ulat ni Pasay City Fire Marshal Chief Insp. Douglas Guiyab, dakong 6:30 ng gabi nang magsimula ang apoy sa kusina sa inuupahang bahay ni Mary Goto, nasa hustong gulang, sa No. 829 E. Santos Street, Barangay 172, Zone 17 sa Malibay.

Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang 14 na katabing bahay, na pawang gawa sa light materials at pag-aari ng isang Grace Aquino, na nasa ibang bansa at nagtalaga lang ng caretaker.

Dahil makikipot ang daan sa lugar, nahirapang pumasok ang mga fire truck kaya natagalan ang pag-apula sa malaking apoy at umabot sa ikaapat na alarma ang sunog.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Naapula ang sunog dakong 10:24 ng gabi, at walang iniulat na nasaktan sa insidente.

Pansamantalang nanunuluyan sa bisinidad ng barangay hall sa lugar ang mga nasunugang pamilya, na nananawagan ng ayuda mula sa Pasay City Social Welfare Department. (BELLA GAMOTEA)