Dalawang pamilya ang naubos matapos silang masawing lahat sa limang-oras na sunog na tumupok kahapon ng madaling araw sa isang lumang palengke sa Zamboanga City na kanilang tinutuluyan.

Muntik na ring malipol ang ikatlong pamilya kung hindi nakalabas nang buhay ang pitong miyembro nito sa paggapang palabas ng manhole upang makaligtas sa malaking apoy na tumupok sa kanang bahagi ng lumang palengke, ayon kay Chief Insp. Joel Tuttuh, tagapagsalita ng Zamboanga City Police.

“May 15 ang namatay mula sa tatlong pamilya, karamihan sa kanila ay hindi na makilala, habang ang ilan ay na-suffocate sa makapal na usok,” sinabi ni Tuttuh sa may akda sa isang panayam sa telepono.

Kinilala ni Tuttuh ang mga nasawi mula sa pamilya Hassidin na sina Kayulan, 48; Musal, 45; Radzhatta, 28; isang taong gulang na si Bunay; Crissamae, 3; Noynoy, 5; Nurais, 9; at Radzmer, 10 anyos.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Namatay naman mula sa pamilya Salahuddin sina Abei, 40; Nurul-in, 39; Algabid, 20; Marilyn, 20; Binnas, 20.

Sa panig ng pamilya Hamis, nasawi sina Ruhilyn, 26; at isang taong gulang na si Jasper. Nakaligtas naman sina Almudzra, 45; Midzfar, 7; Farhana, 9; Bennaser, 32; Nasriya, 5; at Nasmiya, siyam na taong gulang.

Patay din sina Alvin Bete, 14; Annang Arilis, 45; Nurmina Jamiri, 18; Yasser Jamiri, 29; Albini Jaani, 32; at Alfredo Mana, 16-anyos.

Sinabi ni Tuttuh na nagsimula ang sunog dakong 2:45 ng umaga kahapon, sa kanang bahagi ng lumang palengke na kinaroroonan ng mga ibinebentang ukay-ukay at mga gulay.

“Nakatira dun ang mga biktima. Ang mga namatay posibleng na-trap, dahil tulog sila nang mga oras na ‘yun,” sabi ni Tuttuh.

Tinukoy ang resulta ng imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sinabi ni Tuttuh na batay sa initial findings, posibleng problema sa kuryente ang sanhi ng sunog.

Sinabi pa ni Tuttuh na sinagot ng pamahalaang lungsod ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot at pagpapalibing sa mga biktima.

“Nakikipagtulungan kami sa imbestigasyon. Bahagi kasi nito ang alamin kung sinadyang sunugin ang lugar,” ani Tuttuh.

(AARON RECUENCO)