DAVAO CITY – Walang 24-oras matapos magbabala nitong Lunes ng hapon si Mayor Rodrigo Duterte na sa loob ng 48 oras ay kinakailangang umalis sa siyudad ng mga sangkot sa ilegal na droga, isang hinihinalang drug pusher ang binaril at napatay noong Martes ng hapon matapos pumalag sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya.

Ang suspek na si Armanuel Atienza, alyas Bebs, 38, may asawa, at residente ng Barangay 34-D, ay miyembro rin ng Barangay Police, ayon sa report.

Nagsagawa ng buy-bust operation ang San Pedro Police dakong 1:30 ng hapon nitong Martes sa Bgy. 33-D hanggang sa maaktuhan si Atienza na iniaabot sa buyer ang isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P500.

Ayon sa report, binunot ng suspek mula sa kanyang sling bag ang isang .38 caliber revolver at itinutok iyon sa mga pulis na aaresto sa kanya.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Dinakip din ng pulisya ang bumibili ng shabu na si Leo Julius Monterola Legaspi, 36, ng Sasa, Davao City.

Narekober sa pinangyarihan ang pitong iba’t ibang transparent sachet na hinihinalang may shabu, P500 ipinambayad ni Legaspi, ang baril ni Atienza na kargado ng bala at ang bahagyang nabuksan na plastic sachet na may latak ng hinihinalang shabu.

Nitong Lunes, sa command conference na ipinatawag ni Duterte kasama ang pulisya at militar ay nagbabala ang alkali sa mga drug pusher na lisanin na ang Davao City sa susunod na 48 oras.

“I’m warning you. I’m giving you 48 hours, those who distribute illegal drugs in Boulevard to the coastal areas.

‘Pag nakita ko kayo, papatayin ko kayo dito, believe me,” sabi ni Duterte. (Alexander D. Lopez)