TOKYO, Japan – Tingnan mo nga naman, sino’ng mag-aakala na muling makatutuntong si Boy Commute sa siyudad na ito.

Moderno, mabilis ang tiyempo ng buhay at bawal ang tamad.

Ganito ang buhay sa Japan.

At home na at home si Boy Commute sa Tokyo. Bagamat masalimuot ang train network, mabilis na siyang naka-adjust dahil marami nang empleyado ng pasilidad ang marunong magsalita ng Ingles.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Mag-isang bumiyahe si Boy Commute mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungong Japan.

Sa totoo lang, may konting kabog pa rin si Boy Commute sa pagbiyahe nang solo dahil mabibilang sa kanyang daliri ang mga Nihonggo na kaya niyang bigkasin.

“Ohaio Gozaimaste!” pa-cute na bati niya sa mga stewardess ng ANA Airlines sa pagsampa niya sa eroplano.

Tulad ni Boy Commute, maraming Pinoy ang kinakabahan pa rin sa pagbiyahe sa ibang bansa lalo na kung iba ang lengguwahe at kultura sa kanilang destinasyon.

Sa eroplano pa lang ay panay na ang dasal na huwag siyang maligaw sa pagtuntong sa Narita Airport hanggang Tokyo, dahil halos eksakto lang ang yen na nasa kanyang wallet at walang budget upang magpabalik-balik sa paghahanap ng kanyang hotel.

Matapos ang limang oras na flight mula sa Maynila, aliw na aliw si Boy Commute pagdating sa Narita Airport dahil sa pagka-organisado ng mga Hapones.

Sa immigration section pa lang ay mayroon nang kumikilatis sa immigration form ng mga dayuhan upang tiyakin na kumpleto ito sa detalye.

Sa paglabas ng paliparan, magalang na ginagabayan ng mga airport staff ang mga turista patungo sa kanilang sasakyang bus, mula sa pagbili ng ticket hanggang sa pagsakay sa tourist bus.

Empunto ang pagdating ng bawat bus at walang tulakan sa pila.

Hindi man nakapagsasalita ng Ingles ang mga unipormadong konduktor ay ramdam pa rin ni Boy Commute ang kanilang pagiging propesyunal sa paglilipat ng mga bagahe at pakikitungo sa mga pasahero.

Para silang mga mannequin dahil sa kanilang anyo… makinis ang pananamit at plantsado ang damit at buhok.

Walang mabubuhay na “takatak boys” sa Tokyo dahil lahat ay mabibili sa vendo machine. Softdrinks, bottled water, kape, condom at sigarilyo bagamat walang patingi-tingi.

Maayos ang bilihan at walang natanaw si Boy Commute na aali-aligid na porter, kani-kanyang bitbit ng bagahe.

Hindi makukulit ang customs officers dahil isang tanong, isang sagot lang sa mga pasahero.

Anim na araw si Boy Commute sa Japan at sa susunod na kabanata ay ikukuwento niya ang kanyang karanasan sa pagko-commute sa isa sa pinakamodernong siyudad sa mundo.

(Email : [email protected]) (ARIS R. ILAGAN)