Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng karne ng manok at baboy para sa holiday season, kahit pa matinding sinalanta ng bagyong ‘Lando’ ang maraming lugar sa Central at Northern Luzon noong nakaraang linggo.
Sinabi ni DA Secretary Proceso Alcala nitong Martes na sapat ang supply ng karneng manok at baboy kahit pa pagkatapos ng Pasko, idinagdag na nananatiling stable ang presyo ng mga ito.
Mas kakaunti ang pinsala ng bagyong Lando sa sektor ng paghahayupan kaysa naging epekto ng bagyong ‘Glenda’ sa sektor ng agrikultura noong nakaraang taon, ayon kay Alcala.
Matatandaang Hulyo ng nakaraang taon nang salantain ng Glenda ang bansa at kinapos ang supply ng karne ng manok kaya naman tumaas ang presyo nito.
Samantala, sinabi ni Alcala na inaasahang tataas ang presyo ng mga bulaklak habang papalapit ang Undas, dahil maraming flower farms ang napinsala ng Lando. (Ellalyn B. De Vera)