Itinanggi ng United Nationalist Alliance (UNA), na pinangungunahan ni Vice President Jejomar Binay, na ginagamit nito ang re-electionist na si Senator Vicente “Tito” Sotto III para makisakay sa matinding kasikatan ng tambalang “AlDub” na sumikat sa noontime show na kinabibilangan ng senador.

“Walang katotohanan ‘yan,” sinabi ni UNA Spokesman at Provincial Coordinator Mon Ilagan sa panayam ng may akda sa “presidentiables forum” sa Marriott Hotel Grand Ballroom nitong Martes.

Kabilang ang pambato ng UNA sa nakibahagi sa forum.

Ang pormal na pagkakabilang si Sotto sa 12-man senatorial ticket ng UNA kamakailan ay nagpataas ng kilay ng ilan, dahil direktang inihahayag ng dating komedyante at TV host na sinusuportahan nito ang kandidatura sa pagkapangulo ni Senator Grace Poe-Llamanzares.

National

Taga-Maynila, winner ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Dahil dito, nagkaroon ng mga espekulasyon na sinisikmura lang ni Binay ang pagkakabilang ni Sotto sa senatorial ticket ng UNA upang mapaugnay ang Bise Presidente sa sikat na sikat ngayong loveteam nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza, na sumikat sa kalyeserye ng “Eat Bulaga”.

Isa si Sotto sa mga nagtatag ng 37-anyos na noontime show.

Paliwanag ni Ilagan, ang pagkakasama ni Sotto sa line-up ng oposisyon ay dahil kay Senator Gringo Honasan, ang running mate ni Binay.

“Si Senator Gringo ang nakipag-usap kay Senator Sotto para maging guest candidate. Para silang magkuya,” sabi ni Ilagan.

Isa si Sotto sa anim na guest candidate ng UNA.

Inamin naman ni Ilagan na may basbas ni Binay ang pagkakasama ni Sotto sa senatorial ticket ng UNA.

Matatandaang mismong ang Bise Presidente ay napabilib sa kasikatan ng AlDub phenomenon. Sa katunayan, noong nakaraang buwan ay sinabi ni Binay sa harap ng grupo ng mga showbiz writer na gusto niyang si Richards ang gumanap sa kanyang papel kung isasapelikula ang kanyang buhay. (ELLSON A. QUISMORIO)