NAKAKABILIB ang pagtanggap ni Vice Ganda ng pagkatalo, base na rin sa panawagan niya sa It’s Showtime noong nakaraang Sabado na huwag nang mag-away-away ang fans sa social media kung sino ang number one na noontime show.
Naganap ito habang mataas ang lagnat ng sambayanang Pinoy sa Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon special sa Philippine Arena.
Nagtataka nga lang kami kung bakit parating si Vice Ganda ang nagsasalita in behalf of Showtime sa rami ng hosts nito. Bakit laging ang mukha niya ang nakaharap kapag may maiinit na isyung sangkot ang programa? Kaya ang ending, siya rin ang palaging bina-bash.
Kasi si Vice lang ang may balls at mukha ng Showtime?
Hindi ba puwedeng iba naman ang magsalita o humarap sa mga isyu? Malay natin, baka may iba rin namang gustong magsalita o magpaliwanag.
Bilang ordinaryong manonood, dahil parating si Vice ang nagpapaliwanag o nagsasalita tungkol sa mga isyu ng Showtime at Eat Bulaga, hindi na namin siya pinakikinggan dahil iisa lang naman ang sinasabi. Nakakasawa na, kumbaga, kaya papasok sa isang tenga at lalabas sa kabila.
At dahil sawa na nga kaming makinig kay Vice, iba-bash na lang siya para lalong gumulo lalo’t pumapatol naman siya sa bashers.
Kaya ang suhestiyon namin, bakit hindi subukan ng executives ng Showtime na iba naman ang magsalita in behalf of the show?
Nabanggit namin ito sa taga-Dos, at ang balik-tanong sa amin, “May makikinig ba? Eh, si Vice lang naman ang pinakikinggan ng lahat.”
Sey namin, bakit hinuhusgahan naman masyado ang ibang hosts?
Naniniwala kami na lahat ng co-hosts ni Vice sa Showtime ay may gusto ring i-share sa mga manonood.
Anyway, napapansin din namin na parang masyadong bayolente ang ibang fans ng kalyeserye kung mang-bash. Feeling namin ay ginagamit na lang nila sina Alden Richards at Maine Mendoza para buwisitin ang Showtime hosts. Kasi ang talagang nagmamahal o supporters talaga ay mas tutok sa iniidolo nilang artista kaysa ibang stars.
Hindi ba sila nai-stress sa mga pinagpopo-post nila sa social media?