MAY balak pala si Pangulong Noynoy Aquino na magpatubo ng buhok sa pamamagitan ng hair transplant. Inihayag ito ng binatang Pangulo sa 15th National Public Employment Service Office Congress na ginanap sa Pasay City noong Lunes.
Ang sidewalk vendor na si DJhoanna Cusio, nagtatrabaho bilang hair transplant assistant, ang posibleng tumulong sa pagpapatubo ng buhok ng Pangulo na ngayon ay parang panot na bundok sa Sierra Madre, na naging dahilan upang dumausdos ang mga troso dahil tinangay ng malakas na agos ng tubig bunsod ng bagyong ‘Lando’.
Isinalaysay ni PNoy na una niyang nakatagpo si Cusio sa JobStart Philippines sa Cebu City noong Labor Day. Siya ay nakapagtrabaho sa pamamagitan ng JobStart. Sinabihan niya si DJhoanna na maaaring magkita uli sila dahil unti-unti na ring nalulugas ang kanyang buhok sa magkabilang gilid. “We might see each other again in the coming days,” sabi ni PNoy na tinutukoy ang hair transplant assistant.
Ayon kay DJhoanna, hindi nito akalain na siya ay makapagtatrabaho sa opisina sa pamamagitan ng JobStart na mas malaki ang sahod kaysa pagiging sidewalk vendor. Ngayon, umaasa naman ang Pangulo na tutulungan siya ni DJhoanna upang makapag-hair transplant. Aminado siya na bumilis ang pagkalugas ng buhok sanhi ng bigat ng pananagutan.
Maituturing kayang “paninipsip” ni VP Jojo Binay sa Iglesia ni Cristo ang pagtatanggol niya sa sekta? O ito ay isang practical move ng isang tusong pulitiko upang makuha ang umano’y solidong boto ng INC sa 2016. Idinipensa niya ang INC sa krisis na kinakaharap nito dahil sa mga alegasyon ni ex-Minister Lowell Menorca II na siya at pamilya ay dinukot upang “patahimikin” sa umiiral na gusot sa INC.
Samantala, paiimbestigahan ni PNP Director General Ricardo Marquez ang alegasyon ni Menorca na ilang kasapi ng Quezon City Police ang dumukot sa kanya at nagkulong sa loob ng INC compound sa loob ng 3 buwan. Sa pagtupad sa tungkulin, ayon kay Marquez, walang kikilalaning personalidad, lahi o relihiyon ang PNP upang matamo ang katotohanan at katarungan. Ganito rin ang paninindigan ni PNoy, hindi dapat gamitin ang relihiyon sa mga pansariling interes.
Binanggit pa niya ang kasabihang “Ibigay ang para kay Caezar at ibigay ang para sa Diyos.”
Sa kabila ng lahat ng ito, napaulat na ipagdarasal pa rin ng pamunuan ng INC si Menorca upang magliwanag ang kaisipan. Sinabi ni Patricia Ann Prodigalidad, INC legal counsel, na sasagutin din nila ang mga bintang ng itiniwalag na ministro.
Balik sa pagpapa-hair transplant ni PNoy. Kinukulit ako ng kaibigang palabiro pero sarkastiko na sakali kayang lumago ang buhok ng solterong Pangulo, magiging seryoso na kaya siya sa panliligaw at tuluyang mag-asawa? Tumingala ako sa kalangitan at naibulalas: “Itanong sa buwan at mga bituin.”