Umalis na kahapon ang dalawang batang atleta na inaasahang makakasama sa Rio De Janeiro Olympics sa magkahiwalay na qualifying event sa asam na madagdagan ang mga awtomatikong nagkuwalipika sa kada apat na taong torneo na gagawin sa susunod na taon.

Ang dalawang atleta ay sina Sienna Fines na sasabak sa kuwalipikasyon para sa BMX Cycling at ang Southeast Asian Games bronze medalist na si Hermie Macaranas ng Canoe-Kayak.

Ang 17-anyos na Fil-Am rider na si Fines ay sasamahan ng ama at coach nitong si Frank at local coach-mechanic na si Cesar Lobramonte. Nagtungo ang mga ito sa Myanmar para sa Asian BMX Championships na gaganapin simula Oktubre 21 hanggang Nobyembre 1.

Nakipagpulong si Fines sa mga opisyales ng PhilCycling at PSC Lunes bago tuluyang inirepresenta ang Pilipinas sa kanyang unang pinakamalaking sasalihang internasyonal na torneo kung saan paglalabanan ng mga kalahok ang kabuuang 200 UCI points.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kailangan ni Fines na makapagtipon ng pinakamataas na UCI points para sa posibilidad na mapaangat ang kanyang kasalukuyang ranking na 36th place sa Women’s Junior category upang makapagkuwalipika sa Rio Games.

Si Macaranas ay makakasama naman si Philippine Canoe-Kayak Federation head coach Len Escollante at kapareha nito sa SEA Games na si OJ Fuentes patungo sa Palembang, Indonesia upang magpartisipa sa Asian Canoe Kayak Championships na siyang Continental Qualifier para sa Rio Olympics sa Nobyembre 2 hanggang 8.

Sina Macaranas at Fuentes ay magtatangkang magkuwalipika alinman sa 200 meters singles o doubles at pati na sa 1,000 meter event kontra sa pinakamahuhusay sa rehiyon mula sa mahigit na 20 kasaling bansa na kabilang ang Iran, India, Japan, Korea, Indonesia, Thailand, Myanmar at Tajikistan.

Matatandaan na sina Macaranas at Fuentes ay tumapos sa ika-13th puwesto sa World Championships bagaman kailangan nitong makapagtala ng podium finish sa Asian Qualifying upang tumuntong sa 2016 Rio Olympics.