BILANG bahagi ng paghahanda para sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016, pinag-aaralan na ngayon ng Commission on Elections (Comelec) ang lahat ng Certificates of Candidacy na inihain nitong Oktubre 12-16, 2015, upang bawasan ang listahan ng mga kandidato.
Isang dahilan ay ang limitadong espasyo sa balota. Imposible namang may 130 pangalan sa espasyo para sa mga kandidato sa pagka-presidente, bukod ang maraming iba pa na kumakandidatong bise presidente, senador, gobernador, alkalde at iba pang lokal na opisyal. Noong unang panahon, na wala pang automation, isusulat lang ng botante ang pangalan ng napupusuan niyang kandidato. Ngayon, pupunan ng botante ang kahon na nasa tapat ng nakaimprentang pangalan ng kandidato. Kaya kinakailangang bawasan ang listahan.
Ngunit hindi lang ang limitadong espasyo ang dahilan sa pagbabawas sa listahan ng mga kandidato. Ang mas importanteng dahilan ay dahil ang eleksiyon ay kinakailangang maging rational, patas at maayos. Ang magulong halalan ay “a rot that erodes faith in our democratic institutions,” nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema.
Tinanggap ng Comelec ang mga certificate of candidacy ng 130 kandidato sa pagkapangulo bilang kanilang tungkulin, alinsunod sa probisyon ng Konstitusyon na “The State shall guarantee equal access to opportunities for public sevice….” (Section 26, Article II, Declaration of Principles and State Policies.). Kakaunting requirements lang ang hinihingi sa mga kandidato sa pagka-presidente—dapat ay natural-born citizen, rehistradong botante, nakababasa at nakakasulat, 40 anyos pataas at mahigit 10 taon nang naninirahan sa bansa hanggang sa panahon ng eleksiyon. Walang requirements para sa civil service eligibility, gaya ng hinihingi sa mga itatalaga sa posisyon sa gobyerno o academic degrees sa hudikatura.
Ngunit dahil kinakailangang rational, patas at maayos ang halalan, kailangang bawasan ng Comelec ang mahigit isandaang kandidato, alinsunod sa iniaatas ng Omnibus Election Code na kanselahin ang mga COC ng mga ginagawang katatawanan ang eleksiyon, nagdudulot ng pagkalito dahil sa magkakaparehong pangalan, at walang aktuwal na intensiyong kumandidato para sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.
Sa mga susunod na linggo, magkakaroon ng pagkilos, negosasyon, at pagpaplano sa maraming antas sa mga partido at lider pulitiko. Para sa Comelec, may malaking tungkulin ito na ihanda ang libu-libong voting precinct at daan-libong kawani. Ang posibleng pinakamahalaga nitong tungkulin ay pagsasapinal ng listahan ng mga kandidato sa lahat ng bayan, siyudad at probinsiya sa bansa.
Pagsapit ng Disyembre 10, 2015, dapat ay handa na ang pinal na listahan ng mga kandidato. At sa Mayo 9, 2016, muling boboto ang bansa, may katiyakan na maayos na ang lahat at gumagana ang demokratikong sistema ng ating halalan.