SINALANTA ang Asia Pacific region, ang bahagi ng mundo na pinakamadalas dumanas ng kalamidad, ng 1,625 kalamidad sa nakalipas na dekada, at kinakailangang gumastos pa upang makaagapay sa climate change at makapaghanda sa mas matitinding klima, ayon sa United Nations.
Ang mga kalamidad sa rehiyon—40 porsiyento sa kabuuan ng mundo—ay nagbunsod ng pagkasawi ng kalahating milyong katao sa nakalipas na dekada, nakaapekto sa 1.4 bilyong tao at nagdulot ng US$523 billion pinsala sa ekonomiya, ayon sa 2015 U.N. Asia-Pacific Disaster Report.
Hinimok ng UN ang mga gobyerno sa rehiyon na higit pang mamuhunan sa pag-agapay sa climate change at paghahanda sa mga kalamidad habang tumitindi ang panganib na kinahaharap ng rehiyon dahil sa mabilis na paglago ng ekonomiya nito at lumalaking populasyon.
Nasa 772 milyong mahihirap na tao sa rehiyon ang pinakadelikado sa pananalasa ng mga kalamidad at naninirahan sa mga mapanganib na lugar, gaya ng mga urban slum, gilid ng bangin, binabahang lugar at gilid ng mga ilog, ayon sa report.
Wala silang pondo upang magsagawa ng mga preventive measures at wala ring ipon na maaaring dukutin sakaling kailanganin dahil sa kalamidad, ayon pa sa report.
Ang pandaigdigang tulong sa mga sinalanta ng kalamidad ay nasa US$28 billion mula 2004 hanggang 2013, ngunit ang malaking bahagi nito ay nakalaan sa pagtugon sa mga emergency at sa rehabilitasyon, kaysa prevention, anang report.
(Thomson Reuters Foundation)