Winalis ni Aubrey Bermejo ang nilahukang pitong event upang tanghaling prinsesa sa ginaganap na 2015 Philippine National Youth Games (PNYG) – Batang Pinoy Mindanao Qualifying Leg swimming competition sa South Cotabato Sports Complex.

Ang 12-anyos na Grade 6 sa Iligan City SPED Center na si Bermejo na nasa ikalawang pagsali sa Batang Pinoy ay iniuwi ang gintong medalya sa Girls 12-under 400m free (5:04.65s), 100m free (1:05.98s), 200m free (2:26.84s), 50m butterfly (32.48s) at sa girls 15-under 200m medley relay (2:20.48s), 200 free relay (2:06.10s) at 100m fly.

“Puro silver lang po ako noong unang sali ko,” sabi ni Bermejo, na panganay sa dalawang magkapatid. “Hindi ko po expected na mananalo sa lahat ng event ko basta I give out my best na lang,” sabi pa nito.

Kasunod ni Bermejo na kandidato bilang Most Valuable Player sa torneo ang mula naman sa Davao City na si John Paul Elises na nakapag-uwi naman ng limang gintong medalya habang nakatakda pa na lumangoy sa dalawa pang event sa hapon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagwagi ang 12-anyos na si Elises na Grade 6 sa Ateneo De Davao at ambisyon ang maging presidente ng Pilipinas sa boys 12-under 100m free (1:03.81s), 200m free (2:26.01s), 50m fly (32.54s), at sa boys 15&Under 200m medley relay (2:09.64s).

“Balak ko po mag-aral ng Political Science dahil pangarap ko po ang maging presidente ng Pilipinas,” sabi ni Elises, na nasa ikalawa nitong taon sa paglahok sa Batang Pinoy kung saan nakapag-uwi lamang ito ng isang ginto sa Mindanao leg at isang tanso sa Bacolod City.

Samantala, tinanghal na kampeon ang Davao City sa girls 3x3 basketball matapos talunin ang General Santos City sa iskor na 14-6. Iniuwi ngTagum City ang tansong medalya matapos talunin ang South Cotabato sa labanan sa ikatlong puwesto, 15-14.

Iniuwi naman ng General Santos City ang titulo sa boys 3x3 championships nang biguin ang Tagum City, 19-13. Napunta ang tanso sa dating kampeon na Davao City matapos talunin ang Kidapawan, 10-6.