Nakalusot ang De La Salle University (DLSU) sa itinuturing nilang pinakamalaking hamon sa second round matapos na nilang matalo ang Far Eastern University (FEU), 3-2, at ganap na makamit ang outright women’s Finals berth sa UAAP Season 78 table tennis tournament sa Ninoy Aquino Stadium.
Nanguna para sa Lady Archers sina reigning MVP Ian Lariba at Donna Gamilla nang makumpleto nila ang 4-game sweep ng double-round elimination na nagbigay sa kanila ng thrice-to-beat advantage sa finals.
Sa kalalakihan, tinalo naman ng La Salle ang University of Santo Tomas (UST), 3-2, para tapusin na no.1 sa eliminations taglay ang barahang 13-1, panalo-talo.
Ang Growling Tigers na siyang nanguna sa first round ay pumangalawa naman sa kanila hawak ang barahang 12-2.
Dahil sa pagtatapos nila sa top 2 spots, kapwa mayroong twice-to-beat advantage ang La Salle at UST sa Final Four round kontra sa kanilang mga makakatunggaling National University (NU) at FEU, ayon sa pagkakasunod.
Nagtapos namang pangalawa sa kababaihan taglay ang barahang 11-3 ang FEU at mayroon itong twice-to-beat advantage sa makakalaban nila sa stepladder semifinals na paglalabanan ng UST at ng University of the Philippines.