PAGKATAPOS ng Quezon City Film Festival na sinalihan ng nagagandahang independent films, heto at Cinema One Originals 2015 naman ang mapapanood simula sa Nobyembre 9 hanggang 17 sa mga sinehan ng Trinoma, Glorietta, Resorts World at SM Megamall.

Magaganda rin ang line-up ng Cinema One Originals 2015 tulad ng Baka, Siguro Yata (romantic comedy); Bukod Kang Pinagpala (horror); Dahlin Nick (docu-drama); Dayang Asu (action drama); Hamog (drama); Manang Biring (drama-comedy); Mga Rebeldeng May Kaso (youth drama); Miss Bulalacao (drama); The Comeback (drama-comedy).

Kasama rin ang short films na Junilyn Has; Sanctissima; Dindo; Pusong Bato; Reyna Christina; Memorya, Mabuhay ang Pilipinas; Anino; A Love Story at Tenant.

May special presentation films na Honor Thy Father ni Erik Matti at Salvage ni Sherad Anthony Sanchez.

Musika at Kanta

Regine, 'di na kering makipagsabayan sa mga batang singer: 'It's no longer my time'

Kasama rin sa festival ang Filipino Classic Films na Ikaw Ay Akin ni Ishmael Bernal; Karnal ni Marilou Diaz-Abaya; Insiang ni Lino Brocka at Sana Maulit Muli ni Olivia Lamasan.

Samantala, nakapanayam namin ang isa sa bida ng Siguro Yata at Mga Rebeldeng May Kaso na si Nicco Manalo na anak ni Jose Manalo.

“Nag-personal message po sa akin si Direk Raymond (Red) at nabanggit niya kung anong klaseng pelikula ang gagawin niya at kung paano nagsimula ang indie film base sa alam niya.

“Tungkol po sa young filmmakers na gumawa ng sariling indie films na tumatalakay sa mga nangyayari noong 1980s.

Actually, comedy po itong movie,” kuwento ni Nicco tungkol sa Mga Rebeldeng May Kaso.

Pawang seryoso ang mga papel ni Nicco sa indie films na ginagawa niya breather sa kanya itong Mga Rebeldeng May Kaso.

Bakit puro seryoso ang ginagawa niya, wala ba siyang namanang humor sa tatay niya?

“Siguro po nahihilera lang sa (seryosong role), mas napapansin, pero mayroon din po akong topak tulad sa daddy ko,” napangiting sagot ni Nicco.

‘Topak’ ang tawag ni Nicco sa humor ng mga taong nagpapatawa at sa tanong namin kung sino sa kanila ni Daddy Jose niya ang mas may topak…

“Pare-pareho po kaming tatlo ng daddy ko, ‘yung isang kapatid ko po, topak din, ‘yung nasa On The Wings of Love po,” paliwanag ng actor.

Ang binabanggit na kapatid ni Nicco ay si Bench Manalo o Axcel, ‘yung kabarkada ni Nico Antonio sa Tenement scenes at karpintero ni James Reid sa furniture shop na mahaba ang buhok at may tattoo.

Pawang indie films ang ginagawa ni Nicco pero umaasa siyang mapasama sa mainstream movies na mahaba ang role at hindi cameo roles lang tulad sa 10,000 Hours ni Robin Padilla at Kimmy Dora 3 nina Eugene Domingo at Sam Milby sa MMFF 2013.

“Siyempre po nagkakataon din, pero nai-enjoy ko rin po talagang gumawa ng independent films kasi doon po ako galing, theater to indie films. So parang doon ang roots ko kaya babalik at babalik ako.

“Naghihintay po ako, hinahanap ko pa rin po ang place ko sa mainstream kung saan ako ilagay o makita nila,” katwiran ni Nicco.

Sino sa mga actor ang gustong makasama ni Nicco sa pelikula?

“I go for veteran actors like Pen Medina, Ronnie Lazaro. Humahanga rin po ako kina Jericho Rosales, bata pa ako fan na ako ni Echo lalo na sa Pangako Sa ‘Yo dati. Gusto ko rin si Paulo Avelino.”

Kaedad ni Echo si Daniel Padilla nu’ng gawin naman nila ni Kristine Hermosa ang PSY kaya tinanong namin si Nicco kung sino sa dalawang aktor ang magaling, na mabilis niyang sinagot ng, “Hindi ko na po napapanood ‘yung ngayon kasi busy po ako, kumusta po ba?”

Sino ang dream leading lady niya?

“Dream leading lady, meaning mataas, kasi dream ko, si Anne Curtis po. Kasi magaling siyang umarte sa The Gifted, napanood ko po ‘yun.”

Type daw kasi ni Nicco ang chubby kaya nataypan niya si Anne sa The Gifted at sa katunayan ay medyo malusog din ang karelasyon niya ngayon na nakita pa namin sa Trinoma, Landmark kamakailan at natawa na lang ang binata.

“Hindi po kasi ako mahilig sa sexy o balingkinitan, mahilig ako, chubby,” napangiting pag-amin ni Nicco.

Hirit naman ni Katotong Blessie Cirera, iyon daw pala ang pagkakaiba ni Nicco sa tatay niyang si Jose na mahilig daw sa sexy.

Bukod sa dalawang indie film (Baka Siguro at Mga Rebeldeng May Kaso) na natapos ni Nicco ngayong taon ay kasama rin siya sa seryeng Walang Iwanan bilang sidekick ni John Estrada at masaya siya dahil mahaba raw ang papel niya.

For the nth time ay muling kinumusta si Nicco tungkol sa relasyon ng mga magulang niya.

“Actually, hindi ko po talaga alam kung ano ang pinaglalabanan nila sa korte kasi hindi po ako nakikiaalam, kung baga, natapos ko na po silang kausapin na sana matapos na o itigil na kasi sayang ang pera, na imbes na ibigay na lang para panggastos, eh, hindi naman po nangyari. Kaya hindi na po ako nakikialam kasi mas pina-prioritize ko ang mga kapatid ko, kasi lahat sila nag-aaral,” kuwento ni Nicco.

Limang magkakapatid sina Nicco at dalawa lang silang may trabaho ni Bench kaya sila na lang daw ang nagtutulong para sa mga kapatid nila.

Sabi pa ni Nicco, nakabukod na siya ng tirahan kaya wala siyang masyadong alam sa kaso ng magulang niya at wala rin daw siyang pinapanigan kung sino ang tama at mali.