Nanawagan si Pangulong Aquino ng pinaigting na pagtutulungan sa rehiyon upang matugunan ang haze o ang makapal at mapanganib na usok na kumakalat sa Asia, sa halip na sisihin ang Indonesia sa problema.
Umapela ang Pangulo sa mga kapwa niya leader ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na kumilos laban sa haze ilang linggo bago ang summit sa Malaysia sa susunod na buwan.
“Instead of castigating an ASEAN brother country, perhaps in the ASEAN Summit, we should really look for the wherewithal, the direction, the attitude—attitudinal change whereby we can help Indonesia avoid creating this problem,” sinabi ni Pangulong Aquino sa mga dayuhang mamamahayag nitong Martes.
“That, I think, is the most constructive activity that we should be undertaking rather than, you know, concentrating on apportioning blame,” dagdag niya.
Ang haze mula sa nasusunog na kagubatan sa Indonesia ay napaulat na nakaabot na sa Singapore, Malaysia, Thailand at maging sa Pilipinas.
Kamakailan, nakaapekto na rin ang makapal na usok sa biyaheng panghimpapawid sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, kaya naman nagpalabas ng babala ang Department of Health (DoH) kaugnay ng pagsusuot ng dust mask upang maprotektahan ang sarili sa haze, na delikado sa kalusugan.
Sinabi ni Aquino na inatasan na niya ang Department of Science and Technology (DoST) “to study the whole matter and deliver recommendations as to what actions we should take.” (Genalyn D. Kabiling)