Pinag-iisipan ngayon ng Philippine National Police (PNP) na bawiin ang may 100 contingent na naka-deploy sa compound ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quezon City.
Ayon sa report, pinaplanong pabalikin na sa Crame ang 100 pulis sa INC compound makaraang kumalat ang akusasyon na ginagamit umano ang mga ito ng sekta bilang private army.
Napaulat na sa halip na sa Camp Crame kumukuha ng order ay nagiging sunud-sunuran na lang umano ang mga pulis sa pamunuan ng INC.
Nabatid na pawang piling tauhan ng PNP, mula sa iba’t ibang unit, ang naka-deploy sa compound at lahat ng ito ay kasapi ng sekta.
Bagamat pinayagan umano ito ng gobyerno simula pa noong rehimeng Marcos, kailangan pa ring isagawa ang recall dahil nahaharap ang ilan sa mga pulis sa INC compound sa kasong abduction na ibinunyag ng dating ministro na si Lowell Menorca II.
Wala pang pahayag ang INC hinggil dito.