Binatikos kahapon ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ang maramihang paraan ng vote buying na nangyayari na ngayon, pitong buwan bago ang eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Sinabi ni PPCRV Chairperson Henrietta de Villa na kung noon ay kada botante ang pagbili ng boto, ngayon ay boto na ng isang buong barangay ang bilihan.

“I was so flustered when Fr. Dave came and he told me that its (vote-buying) is now barangay per barangay and not per voter anymore or retail,” sinabi ni De Villa nang magtalumpati siya sa ika-24 na anibersaryo ng PPCRV sa Pope Pius Center sa Maynila.

Sinabi pa ni De Villa na ang bilihan ng boto sa ilang barangay ay P1,000 kada tao.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, ang talamak na bilihan ng boto ang nais na masugpo ng PPCRV sa kanilang voter education program na “One Good Vote”.

“Panahon nang tuldukan natin ang bentahan at bilihan ng boto. Nakakalungkot na maraming botante ang ipinagbibili ang kanilang mga boto, na para bang ang eleksiyon ay isang business transaction,” ani De Villa.

“Panahon nang magkaisa tayo. Let us push for this,” dagdag ng dating ambassador sa Vatican.

Bilang bahagi ng kampanya ng PPCRV, sinabi ni De Villa na magkakabit sila ng mga “One Good Vote” sticker sa mga lugar na tumatanggi sa vote buying at vote selling.

“Kung ang pamilya ay tumangging ibenta ang kanilang mga boto sa kahit sino pang lumapit o mag-alok sa kanila, bibigyan namin sila ng ‘One Good Vote’ stickers,” aniya.

Pinaalalahanan din ng opisyal ng PPCRV ang mga botante na ibatay ang kanilang ihahalal sa tatlong K: Karakter, Kakayahan, at Katapatan.

Sinuportahan naman ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista ang kampanya ng PPCRV.

(LESLIE ANN G. AQUINO)