HUMINGI ng karagdagang panahon si Sen. Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET) para isumite ang resulta ng kanyang DNA test. Pagpapatunay daw ito na ang kanyang mga magulang ay Pilipino. Hindi ko alam kung bakit kailangan pa ito kung ayon sa international law ay ipinapalagay na ang kanyang magulang ay Filipino citizen dahil sa ating bansa, sa loob ng simbahan ng Iloilo, nakita siya noong sanggol pa siya. Kung Filipino citizen ang kanyang mga magulang, Pilipino din siya, natural born pa, na siyang kuwalipikasyon ng isang tumatakbo sa pagkapangulo.
Ang kasong nasa SET ay isinampa ng isang Rizalito David na ang layunin ay alisin sa pagka-senador si Poe.
Kinukuwestiyon hindi lang ang citizenship ni Poe kundi pati ang kanyang residency. Kulang daw ng sampung taong namirmihan siya sa bansa bago tumakbo sa pagka-senador. Isang abogado at si dating Sen. Kit Tatad naman ang nagsampa ng kasong disqualification sa Comelec laban kay Sen. Poe nang maghain ito ng Certificate of Candidacy (CoC) sa pagkapangulo. Batay sa parehong mga isyu ng citizenship at residency ay ipinakakansela nila ang CoC ng senadora.
Kung ang ginagawang ito laban kay Poe ay paninira lang, wala itong kahihinatnan. Baka lalong lumakas siya sa mamamayan. Ayan na nga at nangunguna na naman siya sa kanyang mga kalaban sa survey. Nagiging papel niya ang ginampanan ng kanyang ama na si Da King sa mga pelikulang ginawa nito, na sa simula ng istorya ay api pero bandang huli, siya ang nanalo.
Kaya lang nga, may konkretong batayan ang reklamo laban sa kanya. Dahil dito, nabunyag ang kanyang pagkatao. Hindi ang residency o natural born citizenship ang nakakabagabag sa akin kung sakali man na siya ay maging Pangulo natin.
Mahirap siyang asahan na magiging maka-Pilipino kapag gumanap na siya sa tungkulin. Paano, bata pa lang ay nasa Amerika na siya. Dito siya nag-aral at nagtapos. Dito siya nagkapamilya. American citizen ang kanyang buong pamilya maliban sa kanya na nagbalik sa Philippine citizenship noong kinakailangang manilbihan bilang pinuno ng MTRCB. Kaya ang laman ng kanyang puso at isip ay ang natutuhan niyang simulain at kultura ng bansang nilakihan niya at kinatandaan. Napakaikling panahon na nanilbihan siya sa bansa at hindi sa napakagrabeng isyu na narinig natin siya, para asahang mag-aala-Diokno, Recto o Tañada siya. (RIC VALMONTE)